ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
WATCH

Rider ng motor na nag-counterflow, nakadisgrasya ng tumatawid na babae


Disgrasya ang resulta ng pag-counterflow ng isang nakamotor sa Palapala junction sa Dasmariñas, Cavite, kung saan nabalian ng binti ang babaeng nabundol niya.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing nagpatuloy lamang ang lalaki sa pagmamaneho niya ng motor kahit nakapula ang traffic light.

Sa kuha ng CCTV, makikitang hindi niya napansin ang tumatawid na babae, kaya nang mahagip niya ito, pareho silang natumba.

Isinugod ang babae sa ospital.

Nag-abot naman ng tulong pinansiyal ang rider sa gastusin ng babae.

Marikina

Muntik ding maaksidente sa Marikina City ang dalawang sakay ng motor na nagtangkang lumabas sa bike lane.

Ayon sa ulat, dapat sana'y mag-o-overtake ang motor sa isang nagbibisikleta, ngunit sa paglampas nito sa bike lane, nawalan ito ng balanse at nasapol ng isang rolling store ang mga nakasakay.

Nakapreno naman ang rider.

EDSA

Nahagip naman sa camera ang pagbababa ng isang bus ng mga pasahero sa gitna mismo ng EDSA.

Sinabi rin ng uploader na tatlong beses daw nag-cut ang bus sa kanya.

Naipagbigay alam na sa Department of Transportation ang insidente, kung saan pinuna rin nito ang makapal na usok na ibinuga ng bus.

Sinabi ng ahensiya na sakit ng ulo sa mga motorista ang mga PUV na nagbababa ng mga pasahero kung saan-saan lang.

Bulacan

Ang isang jeep naman sa MacArthur Highway, Balagtas, Bulacan, hindi tumabi nang bumaba ang mga pasahero nitong matatanda na.

Sa isa pang kuha, nagsakay pa ito ng isa pang pasahero sa gitna mismo ng daan.

Naisumbong na ang driver nito sa mga pulis. — MDM, GMA News