ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pacquiao panalo, Barrera magreretiro na


Mapanatili ni Manny Pacquiao sa kanyang baywang ang WBC International super featherweight title sa pamamagitan ng unanimous decision matapos gapiin ang Mexican legend na si Marco Antonio Barrera sa kanilang sagupaan nitong Linggo ng umaga (Sabado ng gabi sa US) sa Mandalay Bay Event Center sa Las Vegas, Nevada. Matapos ang 12-rounds ng bakbakan, nagbigay ng score ang mga judges: Jerry Roth, 118-109; Glenn Trowbridge 118-109; at Tom Schreck 115-112, lahat para kay Pacquiao. Inihayag naman ni Barrera, 33-anyos, ang kanyang pagreretiro matapos ang laban kay Pacquiao na binasagan “Pacman" sa US. Walang bumagsak sa dalawang mandirigma pero kapwa sila nagpakita ng gilas sa bilis sa pagsuntok sa mga jab sa unang anim na rounds – at mga power punches naman sa sumunod na anim na rounds. Sa kabila ng kanyang edad, ipinamalas pa rin ni Barrera, tinawag na “Baby Face Assassin" na kaya pa niyang makipagsabayan sa mas batang si Pacquiao. Sa unang anim na round ay nakakasundot ng matutulis na jab si Barrera na tumatama kay “Pacman." Kapuna-puna rin ang pagbabago sa galaw ni Barrera na hindi nakita sa una nilang paghaharap noong 2003 kung saan tinalo ng Pinoy ang Mexicano sa technical knockout. Nahirapan si Pacquiao na ipatama ang mga power punches dahil sa pagkilos ni Barrera sa gilid at paatras na sinusundan ng suntok. Ang mga ganitong kilos ay hindi nagawa ng Mexicano sa una nilang sagupaan. Sa 10th round sumayad sa katawan at mukha ni Barrera ang malalakas na suntok ni Pacquiao. Dito na rin nagkaroon ng sugat sa pisngi ang Mexicano na tinarget ni Pacman hanggang matapos ang laban. Sa 11th round, lalo pang lumala ang sugat ni Barrera at muntik na rin magpatumba sa Mexican hero. Sa round na ito binawasan ng isang puntos si Barrera matapos niyang suntukin si Pacquiao kahit inawat na sila ni referee Tony Weeks. Sa ika-12 at huling round, ipinakita ni Pacquiao ang pagiging agresibo habang pinili naman ni Barrera na iwasan ang Pinoy boxing icon para manatiling nakatayo sa huling laban ng kanyang career. Kabilang sa mga sumaksi sa laban ni Pacquiao sa US ay sina Vice President Noli de Castro, dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson, Environment Secretary Lito Atienza, at Maguindanao Gov. Andal Ampatuan. - GMANews.TV