ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

CyberEd project ilayo sa kontrobersya - Arroyo


Matapos ipatigil ang national broadband network project, inutos ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na protektahan ang isa pang kontrobersiyal na proyekto ng pamahalaan na Cyber-Education deal sa China. Ang direktiba ay ginawa ni Arroyo nitong Sabado ng gabi nang dumating sa bansa mula sa opisyal na pagbisita sa China at India. Inatasan niya ang oversight panel na pinamumunuan ni Trade Secretary Peter Favila na repasuhin ang detalye ng proyekto. "The oversight panel headed by Peter Favila, and this includes the private sector, should now begin working out procedures to protect the cyber-education project from unnecessary controversy so world-class ICT (information and communications technology) would reach fourth- to sixth-class municipalities and reach our schools," pahayag ni Gng Arroyo nang lumapag ang eroplanong sinakyan nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Tulad ng ibinasurang $329.4 milyon NBN project na ibinigay sa Chinese firm na Zhong Xing Telecommunications Equipment (ZTE) Corp., kinukuwestiyon din ang CyberEd project na pangangasiwaan ng Department of Education (DepEd). Ilang sektor ang pumupuna sa CyberEd project na hindi umano kailangan para iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Mas dapat umanong ibuhos ang pondo ng gobyerno sa pagpapagawa ng mga paaralan, pagbili ng mga libro at dagdagan ang bilang ng mga guro. Inihayag ni Gng Arroyo na dismayado siya sa pagkakabasura ng NBN project dahil makakatipid umano rito ang pamahalaan ng P3 bilyon bawat taon sa paggamit ng broadband. Pinasalamatan niya ang pamahalaan ng China dahil naunawaan nito ang kanyang desisyon na ibasura ang proyekto at nanatili ang tiwala sa gobyerno ng Pilipinas. "We believe we have further strengthened our robust ties with China by clarifying recent developments related to the massive Chinese assistance for our infrastructure program," pahayag ni Gng Arroyo. Inatasan din niya si Transportation Secretary Leandro Mendoza na talakayin sa mga private telecommunications companies kung papaano maibababa ang gastusin ng gobyerno sa paggamit ng komunikasyon tulad ng telepono at Internet. "Whether the government or the private sector we must invest in digital infrastructure to link the entire country all the way to the poorest villages," diin ng pangulo. - GMANews.TV