ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pirma sa impeachment laban kay Arroyo 'binibili' ng P2 milyon


Naging pahulaan ang misteryosong tao na nasa likod ng impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na inihain sa House of Representatives noong Biyernes. Nitong Lunes, tumanggi ang mga kongresista na tukuyin kung sino ang taong lumapit sa kanila upang iendorso ang reklamo sa pagpapatalsik kay Gng Arroyo. Naniniwala ang oposisyon na mahina ang impeachment complaint na inihain ni Atty. Rafael "Roel" Pulido at posibleng magamit lang ito upang magkaroon ng proteksyon sa “one-year ban" ang Pangulo. Isang impeachment case lamang sa loob ng isang taon ang pwedeng dinggin ng Kamara laban sa isang impeachable official. Sa anim na umano'y nilapitan ng “tagalakad" ng impeachment complaint, tanging sina Reps. Crispin Beltran (Anakpawis) at Dan Fernandez (Laguna), ang nagkumpirma na inalok sila ng P2 milyon kapalit ng pirma sa reklamo. Ngunit hindi nila tinukoy kung sino ang nag-alok ng P2 milyon maliban sa ibinigay na paglalarawan ni Fernandez na ito ay “lalaki, nasa edad na 40, at madalas makita sa Kapulungan. "He asked me to endorse the complaint. He told me na mayroong maitutulong sa 'yo dito. He told me, Cong, may pera ka dito. But I told him I don't want to endorse it," paliwanag ni Fernandez, dating aktor at bise gobernador ng Laguna. Idinagdag ni Fernandez na naganap ang alok ilang oras bago inihain ni Pulido ang reklamo na inendorso ni Laguna Rep. Edgar San Luis noong Biyernes bago magsara ang opisina (5 pm). Sina Reps. Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro), Justin Marc Chipeco (Laguna) at Florencio "Bem" Noel (An Waray) ay nilapitan din para suportahan ang impeachment complaint ngunit hindi umano sila inalok ng pera. Nilapitan din umano si Anak Mindanao Rep. Mujiv Hataman, ngunit hindi ito makontak para makapagbigay ng reaksyon. Tumanggi sina Rodriguez, Chipeco at Noel na pangalanan ang taong nakiusap sa kanila na suportahan ang reklamo laban kay Arroyo. Kwento ni Noel, isang tawag ang kanyang natanggap at hiniling na pag-aralan kung pwede niyang suportahan ang impeachment complaint na isasampa laban kay Arroyo. Aniya, humingi siya ng kopya ng complaint at ipinadala ito sa pamamagitan ng fax. “May tumawag, maybe that was Thursday, nakiusap pag-aralan daw 'yung impeachment complaint. I said, ipadala n'yo para makita namin. They faxed it, eh nakita namin walang laman kaya rejected agad. Walang offer na sinabi, hindi na umabot do'n kasi rejected na," paliwanag niya. Tinawag naman ni Chipeco na “funny" ang nabasang “draft" ng impeachment complaint kaya agad niyang tinanggihan na suportahan ang reklamo. “Someone approached me and ask me to study the complaint, and tingin ko funny ang complaint kaya biniro ko 'yung tao, sabi ko I’ll sign it kung ako ang gagawa. That was days before Friday," pahayag niya. Ayon naman kay Rodriguez, dakong 2:30 p.m. noong Biyernes nang lapitan siya ng isang lalaki. "The man asked me to endorse the complaint around 2:30 p.m. of Friday while we were at the plenary hall for budget deliberations. He asked me to sign it without offering anything in exchange." Naniniwala si Chipeco na “marami" ang kumikilos tungkol sa impeachment complaint mula sa ibat-ibang kampo, administrasyon man o oposisyon. “Ang dapat isipin natin dito, sino ba ang makikinabang at kung sino ang tunay na target ng impeachment," pahayag ni Chipeco. “Si Presidente (Arroyo) ba o si Speaker (Jose de Venecia)? Bakit isinama si De Venecia sa reklamo? I’m sure mababasura 'yan (impeachment), pagkatapos noon, ano ang susunod?" tanong ni Chipeco. - Fidel Jimenez, GMANews.TV