1 sa 5 nawawalang mangingisda sa Eastern Samar natagpuang patay
Patay na nang matagpuan ang isa sa limang mga mangingisda sa Eastern Samar na napaulat na nawawala sa laot noon pang bago ang Kapaskuhan.
Kinilala ang nasawing mangingisda na si Marvin Nadungga, 24, na taga-Palo, Leyte, at isa sa limang mga nawawalang mangingisda nang maabutan sila ng bagyong Urduja sa gitna ng laot at lumubog ang kanilang bangkang pangisda.
Apat pa ang patuloy na pinaghahanap sa ngayon, na kabilang sa aabot sa 16 mga mangingisda na pumalaot mula sa Tacloban City noon pang ika-16 ng Disyembre.
Sa paunang impormasyon, natagpuan ang bangkay ni Marvin na nakapatong sa palutang-lutang na fish container noong Martes ng hapon sa karagatan ng isla ng Sta. Monica sa bayan ng Oras, Eastern Samar.
Bahagi umano ang fish container ng MB Velmar, ang fishing boat na tumaob dahil sa malalaking alon dala ng bagyo.
Natagpuan ang bangkay nin Marvin ng pinagsanib na pangkat ng Philippine National Police, Coast Guard at Bureau of Fire Protection.
Nauna rito, 11 sa mga mangingisda ang nasagip ng mga awtoridad noong Lunes.
Sa ulat ng GMA News noong Martes, sinabing ilang araw ding palutang-lutang sa laot ang mga biktima bago sila nasagip noong araw ng Pasko, 28 milya ang layo mula sa dalampasigan ng Barangay Japitan sa bayan ng Dolores.
Ayon kay Senior Fire Officer 4 Roberto Enriquez, Municipal Fire Marshall ng BFP Dolores, lumabas sa kanilang imbestigasyon na pumalaot ang 16 na mangingisda mula sa Tacloban port at inabutan sa laot ng bagyong Urduja na nanalasa sa lalawigan noong araw ding iyon.
Sinabi naman ng mga nakaligtas na lima pa sa kanilang mga kasamahan ang nawawala, at sa paghahanap ng mga awtoridad noong Martes natagpuan ang isa sa lima na kinilala nilang si Marvin. —Ronnie Roa/LBG, GMA News