Pamilya, kalusugan at relihiyon - 3 bagay na nagpapasaya sa Pinoy
Para sa karamihan ng mga Pinoy, ang tatlong pinakamahalagang bagay na nagdudulot ng kasayahan sa kanila ay pamilya, kalusugan at relihiyon. Ito ang lumabas sa pinakahuling pag-aaral ng National Statistical Coordination Board (NSCB) kung saan inilista ang mga nakapagpapasaya sa mga Filipino. Batay sa pag-aaral, nakapagtala ng 9.45 sa scale na 10 ang pamilya sa nagbibigay ng kasayahan sa maraming Pinoy. Sinundan ito ng kalususgan (8.95) at relihiyon (8.59). "The most important sources of happiness are family, health, and religion, in that order. Other important sources of happiness include friends, financial security, education, work and love life. Noteworthy is the fact that family is clearly the number one source," sinabi ng NSCB sa pag-aaral nitong may pamagat na "Measuring Progress of Philippine Society: Gross National Product or Gross National Happiness." Isinagawa ng NSCB ang pag-aaral upang malaman kung ano ang mga importanteng pinagkukunan ng kasiyahan ng mga Filipino. Layunin din nito na matukoy kung gaano sila nasisiyahan sa mga binanggit nila. Lumabas din sa report na itinuturing ng maraming Filipino na ang kanilang sex livesâna nasa ika-14 na pwestoâay hindi gaanong importanteng mapagkukunan ng kaligayahan sa kanilang buhay kabilang na ang community and volunteer work (15th), cultural activities (16th), at politics (17th). "Quite surprising is that sex is not an important source of happiness! In fact, it is among the five least important! Could it be that the respondents were just too shy to reveal their true feelings about sex? Or time to shift stories away from the birds and the bees?" ayon sa NSCB. Sa kabila nito, inamin ng may 72.6 porsyento ng mga tinanong na kontento sila sa kanilang sex lives at ito ang isang salik na nagbibigay sa kanila ng lubos na kaligayahan. "Sex life is not considered important, but, boy, 72.6 percent of enjoyment of sex is not bad, if work could only give 71 percent, leisure and sports, 70. 0 percent, financial security, 68.8 percent and cultural activities, 66.6 percent! And yes, climate change could be an inconvenient truth, but the respondents will take sex anytime over the environment," giit ng NSCB. Tinanong ang may 167 katao sa isinagawang pag-aaral. Ayon sa NSCB nagkaroon din sila ng dalawang pilot tests ng mga tanong kung saan nakalista ang 15 bagay na maaaring magpasaya sa mga Pinoy. Kabilang sa mga itinalang salik na maaaring magpasaya sa mga Filipino ang: pamilya, kaibigan, relihiyon, buhay pag-ibig, kalusugan, edukasyon, pagtatalik, trabaho, kaalaman sa teknolohiya, sweldo at seguridad sa pinansya, kapaligiran, ekonomiya, gobyerno, pulitika cultural activities, leisure and sports, at community and volunteer work. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV