ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng 17-anyos na ilang araw nang nawawala, bangkay na nang matagpuan, may mga tama sa ulo


Bangkay na nang matagpuan ang isang 17-anyos na babae na ilang araw nang nawawala sa Caloocan City, na may mga tama pa umano ng bala sa ulo. Tikom naman ang bibig ng kaniyang mga kaibigan sa kaniyang pagkapaslang.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Marika o Kay Kay Lubutong, na natagpuan sa isang bakanteng lote sa Dahlia Street, Sampaguita, Caloocan City.

Huling nakita si Kay Kay ng kaniyang pamilya noong Disyembre 31.

Kasama raw ng biktima na umuwi ng bahay ang live in partner nitong si Albert Rosal para magbihis. Umalis lang si Rosal saglit pero nang bumalik, wala na si Kay Kay.

"Pinuntahan ko po ng Towerville, sabi kakaalis lang daw, sumakay ng motor, tatlong motor. Sabi kakaalis lang daw. Hindi ko na po inabutan," sabi ni Rosal.

Walang natanggap na balita ang pamilya tungkol sa kinaroroonan ng biktima makalipas ang ilang araw.

Natagpuan ang biktima noong Enero 10 ng umaga, ngunit Enero 18 na lang ito nalaman ng pamilya.

May nag-ulat daw sa kanila na may naka-post sa isang social media site tungkol sa isang labi ng babaeng natagpuan sa Caloocan City.

"Ang masakit du'n sa basurahan pa nakatapon, hindi naman basura 'yung anak ko," sabi ni Reynaldo Lubutong, ama ng biktima.

Ayon sa autopsy, multiple gunshot wounds sa ulo ang ikinamatay ng biktima.

Blangko ang pamilya sa motibo sa pagpatay kay Marika, ngunit nabasa nila ang ilang usapan ng mga kaibigan nito.

May isang kaibigan na nagsabi na nadamay daw si Kay Kay sa salvage ng isang nagngangalang "Dazo", at may isang nagsabi na nagmatapang daw ang biktima.

Ngunit ng kausapin ng mga magulang ni Kay Kay ang mga kaibigan nito, tikom ang kanilang mga bibig.

Humihingi ng tulong ang pamilya sa mga kaibigan para makuha ng anak ang hustisya.

"Sana silang magkakaibigan tumulong naman. Kawawa 'yung kaibigan nila eh," sabi ng ama.

"Sana naman, tulungan naman nila 'yung anak ko. Wala naman sigurong ginagawang masama si Kakay sa kanila," sabi Maria Theresa Labutong, ina ng biktima.

Nakaburol na ngayon sa Barangay Lawang Pari, San Jose del Monte, Bulacan si Kay Kay.

"Makulit 'yang bata na 'yan kaya hindi ako sanay na ganiyan siya," sabi pa ng ina. — MDM, GMA News