Tulak, arestado sa lumang sementeryo na ginawang bentahan ng droga sa Quezon
Isang lalaki na umano'y tulak ang nadakip sa isinagawang raid ng mga awtoridad sa isang lumang sementeryo sa Lucena, Quezon, na ginawang batakan at bentahan ng droga ng mga parokyano.
Ang mismong operator ng batakan, nakatakas.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Balitanghali" nitong Sabado, nagpanggap na bibili ng droga ang isang undercover agent, kung saan na-huli cam niya ang nagaganap na bentahan.
Sumalakay ang raiding team ng gabi sa sementeryo. Nauwi ito sa habulan sa ibabaw ng nitso nang magtakbuhan ang primary target at mga parokyano.
Naaresto ang isa sa mga target na si Manuel Royo sa loob ng musuleo na ginawang batakan. Pamangkin siya ng nag-o-operate ng batakan sa lugar.
Nakuhanan si Royo ng ilang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
"'Yung mga mahal natin sa buhay ay nakahimlay na du'n pero du'n pa rin nila ginagamit ang shabu," sabi ni Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Lucena Police.
"Mahigpit po ang ating kautusan. Dapat wala pong mangyayaring ganitong bentahan or pot session sa loob ng sementeryo," ayon kay Senior Superintendent Rhoderick Armamento, hepe ng Quezon Police.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng Lucena Police laban sa iba pang miyembro ng grupo.
Samantala sa may Paco Street, Caloocan City, sinalakay din ng pinagsanib na puwersa ng Special Reaction Unit, SWAT at Caloocan Police ang bahay ng isang umanong drug pusher.
Kinilala ang suspek na si Arnold dela Cruz, na sinasabing nagmamay-ari ng mga baril.
Nakita ang tatlong sachet ng shabu sa kisame nang halughugin ang bahay ng suspek.
Kinuha ng suspek ang container na may lamang shabu, na nasa P300 ang halaga.
Ngunit nang silipin pa ng mga operatiba ang kisame, natagpuan nila ang isang .9 mm pistol. Sa muling paghahalughog, nakita ang .38 na baril at mga bala.
Nakuha rin ang iba't-ibang drug paraphernalia, digital na timbangan at sealer.
Hindi nagbigay ng pahayag si dela Cruz.
"Dahil siguro proteksyon na rin po kasi pusher na rin po," hinala ni Senior Inspector Dave Anthony Capurcos, commander, Caloocan PCP 2.
Ayon pa sa mga awtoridad, nasa drug watchlist umano ng Barangay 27 si dela Cruz at may kaso ring may kinalaman sa droga.
Base pa sa imbestigasyon ng mga pulis, konektado siya sa mas malaking grupo na may mga banyagang iyembro.
"Kukuhanin sa mga foreigner na 'to, magkikita sila sa isang lugar, mag-aabutan sila," sabi ni Senior Superintendent Jemar Modequillo, chief, Caloocan Police.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 at illegal possession of firearms and ammunition. —Jamil Santos/NB, GMA News