ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pedicab driver, dinukot ng mga lalaking nakauniporme ng pulis sa Valenzuela


Halos isang linggo nang nawawala ang isang pedicab driver sa Karuhatan, Valenzuela matapos umano siyang dukutin ng mga armadong lalaking naka-suot ng uniporme ng pulis noong Marso 5.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa "24 Oras" nitong Linggo, makikita sa kuha ng CCTV ng kalye San Guillermo ang mga armadong lalaking sakay ng isang puting kotse na hinila ang biktimang si Nestor Dela Cerna mula sa kanyang pedicab.

Pinadapa si Dela Cerna sa bangketa habang tinutukan siya ng baril ng dalawang lalaki na nakatakip ang mukha.

Makikita rin sa video na pati mga nakatambay lamang sa lugar ay tinutukan din ng baril ng isa sa mga lalaki.

Matapos maposasan si Dela Cerna ay isinakay siya sa kotse at umalis na ang mga suspek.

"Hinatak lang siya sa sidecar, nagulat na lang kami tapos nagtutok na lang ng baril 'yung mga ano... Lahat nga ng dumadaan tinutukan niya ng baril eh. 'Yung isa nakauniform ng pulis, 'yung isa sibilyan," kwento ng isang saksi na kinilala bilang si "Terry."

Labis naman ang lungkot at pag-aalala ng pamilya ni Dela Cerna sa kanya.

"Kung buhay ka pa sana magmakaawa ka sa kanila na ibalik ka rito. Kasi kawawa naman 'yung mga anak mo hinahanap ka," sabi ni Maritess Casipit, kinakasama ng biktima.

Ayon kay Casipit, kung saan-saang istasyon ng pulis na siya nakarating para lamang matunton ang kinaroroonan ng pedicab driver.

Subalit, sabi raw ng mga otoridad, posibleng hindi totoong mga pulis ang kumuha kay Dela Cerna.

"Hindi nga po sila naniniwala na pulis daw po 'yun baka nagsuot lang daw po ng uniform na 'yun, pulis-pulisan kasi madali lang naman daw pong bumili eh," sabi ni Casipit.

Nakikiusap din siya sa mga suspek na ibalik na si Dela Cerna sa kanila, "Pakiusap ko po doon sa nakakuha, may kasalanan man po ipaalam po sa amin."

Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad ukol sa kaso.

"Hindi natin inaalis ang anggulo na police operation pero dapat ding tingnan natin baka nililigaw ang imbestigasyon nating ito. Okay, hinandcuff siya pero 'yung itutok sa mga tao 'yung baril, it's a police violation nung police operational procedure namin," sabi ni Police Senior Inspector Jose Hizon, hepe ng Investigation Division ng Valenzuela police.

Hawak na ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group ang kaso ni Dela Cerna. — Anna Felicia Bajo/BM, GMA News