Lalaki, pinagtulungang bugbugin ng lima pang lalaki sa Taytay dahil sa away sa parking
Maga ang mukha ng isang lalaki matapos siyang bugbugin ng lima pang lalaki sa Taytay, Rizal nitong Marso 27 dahil lamang sa alitan sa paradahan ng sasakyan.
Makikita sa cellphone video na ipinalabas sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras nitong Linggo kung paano pinagtulungan ng limang lalaking sakay ng isang puting van ang biktimang kinilala bilang si Rolando Martillano Jr.
Kwento ni Rolando, nagsimula ang kanilang away nang sitahin at murahin sila ng mga lalaki sa may palengke ng Sitio Batasan Floodway.
"Kami lang unang tricycle doon sasakyan... dumating po 'yung van, dumouble park po sila. Ngayon po 'yun, 'yung isang sakay po ng van sinita po ako bakit daw po ako dumouble park. Sabi ko, 'Di ako dumouble park kayo ang dumouble park dahil kayo ang kararating lang," sabi ni Rolando.
Mapapansin sa video na sakay ng tricycle ni Martillano ang kanyang dalawang anak na edad lima at tatlong taong gulang nang maganap ang insidente.
Ayon sa biktima, paalis na sana sila nang isang lalaki ang nag-angat ng kanyang tricycle kahit pa naroon ang dalawa niyang anak. Dahil dito, muli na namang uminit ang tagpo sa pagitan ng dalawang panig.
Nagmakaawa raw ang asawa niyang si Rose Martillano subalit hinabol pa rin siya ng suntok ng mga suspek. Pati mga bata ay nagmakaawa na rin daw sa mga lalaking nambugbog.
"Hirap na siya huminga ng time na 'yun, Ma'am... Sabi niya, 'Papa, papa, tama na po.' 'Yung bunso ko Ma'am sa loob ng tricycle, 'Manong tama na po, 'wag niyo saktan papa ko,'" sabi ni Rose.
Dahil sa labis na trauma na idinulot ng insidente sa kanilang pamilya, desidido ang pamilya Martillano na magsampa ng kaso laban sa mga suspek.
Isang misis at pamangkin ng isa sa mga suspek ang nakikipag-areglo sana sa kanila subalit hindi sila pumayag.
Naipa-blotter na nila sa barangay ang kaso at hawak na rin ito ng Taytay police.
Nakatakdang kasuhan ng physical injury ang mga suspek na nambugbog kay Rolando. — Anna Felicia Bajo/BM, GMA News