1M turista dumagsa sa Pahiyas Festival sa Lucban, Quezon
Dumagsa ang mga turista sa taunang pagdiriwang ng Pahiyas Festival sa bayan ng Lucban, Quezon nitong Martes.
Kaugnay ito sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka.
Ang Pahiyas Festival ay ipinagdiriwang bilang pasasalamat sa masaganang ani ng mga taga Lucban.
Sa bayan, makikita ang makukulay na mga kiping o rice paper na ginamit na palamuti sa mga tahanan na dinagdagan pa ng iba't-ibang uri ng gulay at prutas.
Patok na patok rin sa mga turista ang mga animo'y parol na yari sa gulay na sitaw at palay ganon rin ang kurtina na yari sa sili.
Mayroon ring mini concert na ikinatuwa rin ng mga turistang banyaga. Lahat ay bigay todo sa pag sayaw kahit na matindi ang sikat ng araw.
Ayon sa PNP Lucban, aabot sa isang milyong turista ang nakisaya sa Pahiyas Festival ngayong taon.
Sa kabuuhan ay naging mapayapa naman Pahiyas Festival ngayong taon. — BAP, GMA News