ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Halalan sa barangay 23 patay, 20 sugatan - PNP


Umabot na sa 23 tao ang namatay at 20 ang nasugatan sa mga insidenteng kaugnay ng halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes ng umaga. Nakapagtala din ang pulisya ng 43 insidente ng karahasan ilang oras pa lamang nagsimula ang pagdaraos ng halalan. Ayon sa pambansang talaan ng PNP, kabilang sa mga namatay ang limang kandidato para sa pinuno ng barangay, dalawa para sa barangay kagawad, pitong kasalukuyang opisyal ng barangay, tatlong opisyal ng gobyerno at anim na sibilyan. Sugatan naman ang apat na kandidato bilang barangay chairman, isang kandidato para kagawad, anim na opisyal ng barangay at siyam na sibilyan. May isang kandidato para barangay chairman and iniulat na nawawala matapos itong dukutin. Umabot na sa 325 katao ang inaresto sa paglabag ng gun ban na nagbunsod sa pagkumpiska ng 284 sandata, walong pampasabog at 52 iba’t-ibang nakamamatay na armas. Nitong Linggo, sinabi ni Senior Supt. Jose Gentiles, hepe ng special operations division ng PNP directorate for operations , na simula noong Oktubre 27 nakapagtala na ng 34 na insidente ng karahasan na may kaugnay sa halalan kung saan 20 tao ang namatay at 14 ang nasugatan. Gayumpaman, sinabi ni Gentiles na mababa ito kumpara sa 159 insidente ng karahasan na naitala noong taong 2000. Ayon sa kanya, lima sa mga namatay ay kandidatong punong barangay, dalawa ang tumatakbong kagawad, at apat ang nakaupong opisyal sa barangay. Sinabi ni Gentiles sa dzBB radio nitong Linggo na inilagay ng PNP sa watch list ang 4,355 barangay o 10.3 porsiyento ng buong barangay sa bansa. Pinakarami sa mga ito ay sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Idinagdag ng PNP na 318 katao ang dinakip dahil sa paglabag sa gun ban na ipinatupad mula noong Setyembre 29. Kasama sa mga nahuli ay walong pulis at dalawang sundalo. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV