ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hindi ako tatakbong VP sa 2010 - Gov Panlilio


Pinabulaanan ni Pampanga Gov. Ed Panlilio na balak niyang kumandidato bilang pangalawang pangulo ng isang senador sa 2010. Ayon sa bagitong gobernador, marami pa siyang nais gawin sa Pampanga kaya wala siyang plano na pumalaot sa mas malawak na mundo ng pambansang pulitika. Umugong na posibleng tumakbo sa mas mataas na pwesto si Panlilio dahil sa malaking publisidad na nakuha nito nang ibunyag ang suhulan umano sa Malacanang. Isang senador na planong tumakbong presidente sa 2010 ang nagpadala umano ng mensahe kay Panlilio upang alukin ito na maging runningmate. Sinabi ni Panlilio na walang senador ang nag-alok sa kanya at malayo pa umano ang 2010 elections para pag-usapan ito. Gumawa ng marka sa Pampanga si Panlilio (priest on-leave) nang talunin niya sa pagka-gobernador ang dalawang “political giants" nitong May 2007 election na sina dating gobernador Mark Lapid at dating board member na si Lilia Pineda. Unang inihayag ni Panlilio na isang term lamang ang gagawin niya kapag nanalo upang mabigyan lamang ng pagkakataon ang Pampanga na makapagsimula. Naging usapin sa halalan sa Pampanga ang illegal number games na jueteng at quarrying. Ngunit kamakailan ay nagpahayag si Panlilio na bukas siya sa posibilidad na tumakbo para sa ikalawang termino sa 2010 elections. "It's an exhilarating experience," ayon kay Panlilio, kasabay ng pahayag na nagagalak siya sa kanyang trabaho. Kabilang sa mga senador na maugong na tatakbo sa pagka-presidente sa 2010 sina Senate President Manuel Villar Jr., Senador Manuel "Mar" Roxas, Loren Legarda, Panfilo Lacson at Richard Gordon. - Sun.Star