Fake money, binebenta umano sa Recto; 2 suspek, arestado
Naaresto ang isang babae at lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa Barangay Silangan, Quezon City matapos silang mahulihan ng libu-libong halaga ng pekeng pera na nabili nila umano sa Recto.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa 24 Oras nitong Martes, kinilala ang mga suspek bilang sina Frederick Baro at Mary Jane Villahermoso. Isa-isang nilatag sa QCPD Station 6 ang mahigit P35,000 halaga ng counterfeit money na nasabat sa kanila.
Kuwento ng may-ari ng motor oil shop na tinarget ng mga suspek, natuklasan nalang niyang peke ang pinagbayad nila matapos niya itong idaan sa isang fake money detector.
"Noong sinuklian ko na siya, sir, pagtalikod niya, dinetect sa money detector, sir, na-trace ko na peke tas hinabol namin 'yon sir."
Ayon kay Villahermoso, sa Recto daw nila nabili ang nasabat na fake money.
Sinabing mabibili ang isang fake 1000-peso bill sa halagang P200, habang binebenta naman sa halagang P150 ang mga 500-peso bill. May libre pa umanong fake 200-peso bill na nakuha ang suspek.
Depensa naman ni Baro, "Hindi ko po alam, driver lang po ako eh."
Muling nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga nagtatangkang magpalusot ng pekeng pera, lalo na ngayong palapit na ang kapaskuhan.
Paalala ng deputy director ng Currency Issue and Integrity Office ng BSP: "Bawal ang humawak, may bitbit o may dala ng tinatago na counterfeit." — Margaret Claire Layug/BAP, GMA News