ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
WATCH

Magnanakaw, nabisto nang maglakad sa harap ng police station


Huli-cam sa CCTV ang panloloob ng dalawang lalaking sakay ng motor sa isang bahay sa Cagayan de Oro City kung saan tinangay nila ang laptop, smart T.V. at iba pang mga gamit.

Ngunit ang isa sa mga suspek, nahuli nang maglakad sa harap ng police station.

Sa ulat "Balita Pilipinas" sa GMA News TV, sinabing nangyari ang panloloob nitong Miyerkoles kung saan makikita sa camera ang pagdating ng mga magnanakaw na sakay ng motorsiklo sa isang compound sa Barangay Gusa. pasado 2 a.m.

Maya-maya pa, bumaba ang lalaking angkas at naglakad sa harap ng bahay sa lugar. Pinasok niya ang gate ng bahay samantalang naghihintay naman ang rider ng motor.

Napansin nilang may CCTV kaya umalis sila. Bumalik sila kalaunan at pinatay ang CCTV kaya hindi na ito nakunan.

Nakatakas ang mga suspek pero namukhaan sila ng mga awtoridad. Hindi rin sila nahuli sa follow-up operation.

Ngunit ang suspek na si Jeffrey Samaling, nahuli nang maglakad sa harap mismo ng istasyon ng pulisya.

Dinakip si Samaling. Nang halughugin ang kaniyang bahay, nakita pa ang ilang nakaw na gamit.

"May mga unrecovered item pa, at patuloy ang follow-up operation ng mga operatiba na posibleng hawak ng nakatakas na kasamahan ng nahuling suspek," sabi ni SPO3 Ronnie Donasco, investigator, Police Station 3.

Nagpakita din ang isang babae sa police station, na nagsumbong na ninakaw umano ni Sumaling ang cellphone ng kaniyang anak sa loob ng kanilang bahay.

Nakita ito sa bahay ni Samaling, na isang kilalang magnanakaw.

Napag-alamang kakalaya lamang ng suspek sa kaparehong kaso. Umamin si Samaling na sangkot siya sa pagnanakaw.

"Hindi lang ako ang nakakuha ng mga gamit nila. Marami kaming magnanakaw kaya nakikiusap ako sa bawat barangay na sana mapatawad ninyo ako," sabi ni Samaling.

Kasalukyang pang hinahanap ang kasama ni Samaling. — Jamil Santos/DVM, GMA News