ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
WATCH

'Di nabubulok na puso ni Padre Pio, dinayo ng 30K deboto sa Batangas


Dinayo ng libo-libong debotong Katoliko ang incorrupt o hindi nabubulok na puso ng santong si Padre Pio matapos itong dumating sa bansa at ilagak sa National Shrine of St. Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing libu-libong deboto agad ang dumayo sa naturang shrine, kabilang ang pamilya ng bulag na si nanay Purita Bonita na nagmula pa sa Bulacan.

Kahit hindi nakita ni nanay Purita ang mismong puso ng nagmimilagro umanong si Padre Pio, naniniwala siyang tutulungan siya nito sa kaniyang panalangin sa Diyos.

"Bigyan ng lakas ng katawan, lakas ng isip, puso't katawan, bigyan ng mahabang buhay," ayon kay nanay Purita.

Sinabing umabot na sa mahigit 30,000 ang mga dumayo sa lugar, ayon sa tala ng Archdiocese ng Lipa.

Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia ang espesyal na misa, kung saan puno ng bulaklak ang altar.

Nasa 100 din ang mga miyembro ng choir.

Paglilinaw ni Papal Nuncio Archbishop Gabriele, hindi sinasamba ng mga Katoliko ang mga relic kundi ito ay pagpapahalaga sa pagiging maka-Diyos na pamumuhay ng mga santo.

"They are the footsteps that we can see. If you want to follow somebody, you look for traces. And the relics are like traces that show us and put us in contact with them," sabi ni Archbishop Gabriele.

Taong 1968 pa nang yumao si Padre Pio at naging santo noong 2002.

Taong 2008 nang magdesisyon ang Vatican na ipahukay ang kaniyang katawan na halos hindi umano naagnas, kahit pa may nagsasabing pinakialaman ito.

Maging ang puso ni Padre Pio ay hindi rin umano nabulok.

Sabi naman ng Rector ng National Shrine of St. Padre Pio na si Rev. Fr. Joselin Gonda na ang pagdating ng relic ay akapagdudulot ng pag-asa at pagkakaisa.

"It is an opportune moment that the heart is here to reinvigorate the faith, the hope of the Filipino people in God," sabi ni Fr. Joselin.

Ang puso ay mananatili hanggang Linggo sa Sto. Tomas, Batangas, at Lunes, ililipat naman ito sa University of Sto. Tomas. — Jamil Santo/DVM, GMA News