10 ibinubugaw umanong 'Mariposang dagat' para sa mga seaman, nasagip
Dadalhin na sana sa dayuhang cargo vessel na nakatigil sa Manila Bay nang masagip ng pulisya ang sampung babae na ibinubugaw umano sa mga seaman. Tatlong katao ang inaresto, kabilang ang nambugaw sa kanila.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Balitanghali Weekend," makikita ang paglapit ng patrol boat ng PNP Maritime Group sa bangkang sinasakyan ng mga babae, na nakadikit sa nasabing vessel.
Tinungo ng pulisya ang sinitang bangka at agad vinerify ang mga biktimang nasa 19-anyos pataas.
Hind nagawang makapagpakita ng ID ang mga sakay kaya hinold na sila ng mga awtoridad.
Inimbitahan sila pati ang dalawang bangkero at ang babaeng si "Ate Jackie."
"Sa verification namin, napag-alaman namin na ito ang mga babaeng mga 'mariposang dagat'," sabi ni Police Supt. Baltazar Rivera, Regional Director, PNP Maritime Group. "May tinatawag silang bugaw na siyang nakikipag-transact sa taong barko, sa mga seaman at foreign vessel na inaakyat nila. $100 per gamit."
Dinala sa DSWD ang mga babaeng iniligtas pagkatapos ng imbestigasyon, habang itinuro nila si Ate Jackie bilang kanila umanong bugaw.
"Wala pong katotohanan sir kasi may sarili po akong trabaho," sabi ni Jackielyn Galicia, suspek na bugaw. "Nakasabay ko po 'yung mga babae dahil kukuha ako ng listahan ng mga o-order-in."
Samantala, paglabag sa Anti-Trafficking in Person's Act ang ikinaso laban sa umano'y bugaw at dalawang bangkero.
"Wala po makain ang pamilya ko kaya ako po ay naghahanap-buhay sa dagat para makakain lang sila," sabi ni Jun Solano, inarestong bangkero.
"Namamasahero lang po kami sir,"ayon naman kay Junmad Makimay, isa pang inarestong bangkero. "Naghahatid lang kami."
"Binubuo nga natin 'yung mga ebidensiya natin. Kung itong mga babaeng ito'y magbibigay-salaysay na naging biktima sila o nagamit, maaari nating kasuhan 'yung mga tumatangkilik sa ganitong transaksiyon," sabi ni Police Chief Supt. Rodelio Jocson, Director, PNP Maritime Group. — Jamil Santos/DVM, GMA News