Suportado ako ni Arroyo, Lakas - JDV
Inihayag ni Speaker Jose de Venecia Jr nitong Linggo na tiniyak sa kanya ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ng majority coalition na suportado siya upang mapanatili ang liderato sa Kamara de Representantes. Ang pahayag ni De Venecia ay inaasahang magpapatahimik sa maingay na alingasngas sa Kamara na patatalsikin siya sa pwesto sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Lunes. âMagandang maganda ang aming meeting kahapon (Sabado)," pahayag ni de Venecia sa panayam ng dzXL radio nitong Linggo. Sa naturang pulong, sinabi ni De Venecia na tiniyak din sa kanya ang suporta ng mga kongresistang kaalyado ng administrasyon. âOverwhelming po," tugon ng lider ng Kamara nang tanungin kung gaano katatag ang suporta ng mga majority bloc. Kabilang umano sa dumalo sa pulong noong Sabado sina dating Pangulong Fidel Ramos, chairman emeritus ng Lakas-CMD at Pangulong Arroyo, chairman ng partidong KAMPI at Lakas-CMD. Nasa pulong din umano sina Interior Secretary Ronaldo Puno, presidente ng KAMPI at presidential political adviser, National Security Adviser Norberto Gonzales, at Executive Secretary Eduardo Ermita. Sinabi ni De venecia na nagkasundo umano ang mga lider na panatilihin ang koalisyon ng ibaât-ibang partido sa Kamara sa pangunguna ng Lakas at KAMPI. âMaganda ang aming meeting with the President. We will maintain the coalition, we will maintain unity within Lakas-CMD," ayon kay De Venecia. Napagkasunduan din umano sa pulong na ipasa ang mga importanteng panukalang batas bago matapos ang taon. Kabilang dito ang cheap-medicines bill, mga panukala sa pagsugpo sa kahirapan at peace agreement sa Moro Islamic Liberation Front. Nang tanungin kung talagang may pagkilos para alisin siya sa liderato ng Kamara sa Lunes, sinabi ni De Venecia na, âwalang ganyang balita. Puro intriga âyan at black propaganda, walang ganoong balita." Ayaw na rin palakihin ni De Venecia ang umanoây iringan nila ni Gng Arroyo bunga ng mga ibinunyag ng kanyang anak na si Jose âJoey" III tungkol sa napurnadang $329.48 milyon national broadband network project sa Zhong Xing Telecommunications Equipment (ZTE) Corp. ng China. Nakatutok din umano ang kanyang liderato sa mga panukalang batas para mapabuti ang ekonomya kaysa impeachment complaint na inihain ni Atty. Roberto Rafael Pulido laban kay Gng Arroyo na ipinasa na sa House committee on justice. âDapat ang concentration natin paano iayos ang bansa natin, napakaraming problema ng Pilipino," aniya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV