Mga batang mag-aaral sa isang paaralan sa Talipao, Sulu, balik-eskwelahan na

TALIPAO, Sulu — Makalipas ang mahigit dalawang taon, muling inawit ang Lupang Hinirang at naitaas ang watawat ng Pilipinas sa Mabahay Elementary School sa Barangay Mabahay, Talipao, Sulu.
Tanda ito na malaya na muli ang mga residente sa lugar, lalong-lalo na ang mga kabataan. Malaya na silang makakapaglaro at makapag-aaral.
Kung sa Maynila ay pinaghahandaan ang Christmas vacation ng mga bata, kabaliktaran naman sa Barangay Mabahay, na ngayon pa lang nagbubukas at magsisimula ang klase.
Umaga ng Lunes, Oktubre 22 nang muling buksan ang Mabahay Elementary School. Kasama ang GMA News sa pagbabalik ng mga residente dito makalipas ang mahigit dalawang taon.
Enero 2016 nang lisanin ng mga residente ang lugar dahil sa kaguluhan dulot ng Abu Sayyaf. Nagmistulang ghost town ang Barangay Mabahay.
Sa pamamagitan ng Second Special Forces Battalion ng Philippine Army at Joint Task Force Sulu ay naitaboy o napaalis sa lugar ang mga bandido.

Si Nanay Insih Hayodini ay muling nakapagbukas ng kaniyang maliit na tindahan. Hindi mapapantayan ang kaligayahan ni Nanay Insih na makabalik sa lugar kung saan siya ipinanganak. Sana raw ay magtuloy-tuloy na ang kapayapaan sa kanilang lugar.
Magkahalong saya at lungkot naman ang nadarama ng mga guro sa Mabahay Elementary School. Masaya dahil tuloy-tuloy na ang pag-aaral ng mga bata, at lungkot dahil sa hirap ng sitwasyon sa kanilang paaralan.
Isang gusali na may dalawang silid lang ang meron sila. Ang kinder hanggang Grade 6 kasi na klase ay pinagkakasya nila sa dalawang classroom.


Kinder, Grade 1 at Grade 2 sa isang silid at Grade 3 hanggang Grade 6 naman sa pangalawang silid. Ang isang upuan ay pinagkakasya sa dalawa hanggang tatlong bata. Sa kabila ng kondisyong ito ay makikita sa mga bata ang kagustuhang makapag-aral. Lahat ay aktibong nakikiisa sa unang araw ng klase.
Panawagan ng mga guro, sana raw ay matulungan sila na magkaroon ng bagong gusali at mga kagamitan sa paaralan.
Bago lisanin ang Barangay Mabahay, pinulong muna ni Colonel Jess Montoya ng 2nd Special Forcers Battalion ang mga guro at residente. Nangako ito na hinding-hindi na sila papayag na umalis sa barangay ang mga residente. Maglalagay na sila ng kampo rito.

— BM/FRJ, GMA News