ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

5 sa 10 pamilyang Pinoy naghihirap - SWS


Lima sa bawat sampung pamilyang Pinoy ang aminadong nakararanas ng kahirapan sa kabila ng ipinangangalandakan ng gobyernong Arroyo na mas malakas na ekonomiya, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS). Sa isang pahayag nitong Lunes, isinaad ng SWS na ayon sa Third Quarter 2007 Social Weather Survey, na isinigawa mula Setyembre 2 hanggang 5, 52 porsyento ng kabuuang tinanong nila ang nagsasabing sila’y mahirap. Tinanong sa naturang survey ang may 1,200 kabahayan sa buong bansa upang malaman kung iniisip ba ng pamilya na sila ay mahirap, di-mahirap o nasa pagitan. “Fifty-two percent, or about nine million Filipino families, rate themselves as 'mahirap' or poor," pahayag ng SWS. “Self-Rated Poverty has been at the relatively low range of 47-53% since September 2006, compared with 55-59% during December 2005 to June 2006," dagdag ng SWS sa pahayag. Ayon sa SWS, bumaba ang Self-Rated Poverty sa Visayas ng 47 porsyento—ang ikalawang pinakamababa mula noong simulan ang ganitong uri ng survey noong 1985. Samantala, tumaas ang Self-Rated Poverty ng 19 na puntos sa Mindanao, mula 49 porsyento noong Hunyo patungong 68 porsyento nitong Setyembre. Tumaas din ito ng bahagya sa Metro Manila (41 porsyento) at sa kabuuan ng Luzon (50 porsyento). Self-rated food poverty Batay sa pag-aaral ng SWS, 43 porsyento o apat sa sampung pamilyang Filipino- na tinatayang 7.5 milyon- ay itinuturing na mahirap ang sarili dahil sa kakulangan sa pagkain habang 25 porsyento anf inilalagay ang sarili sa “food-borderline," at ang natitirang 32 porsyento ang tinitingnan ang sarili na hindi naghihirap sa pagkain. Sa pambansang antas, tumaas ang self-rated food poverty sa 43 porsyento mula 37 hanggang 39 percentage range sa unang dalwanag bahagi ng 2007. Ang antas sa kasalukuyan ay malapit sa antas noong Disyembre 2005 hanggang Nobyembre 2006. Ayon sa SWS, bumaba rin ang self-rated food poverty sa Visayas sa 33 porsyento subalit mabilis na tumaas sa 59 porsyento sa Mindanao. Tumaas din ito ng bahagya sa Metro Manila (33 porsyento) at kabuuan ng Luzon (41 porsyento). Paghihigpit ng sinturon Sa parehong survey iginiit din ng SWS na ang self-rated poverty threshold—o ang antas kung saan ang buwanang budget na kailangan ng pamilya para hindi ituring ang kanilang sarili na mahirap—at ang self-rated food poverty threshold—o ang antas ng monthly food budget ng isang pamilya para hindi ituring ang sariling naghihirap sa pagkain—ay hindi gaanong tumaas sa mga nakalipas na taon. “Both the self-rated poverty threshold… and the self-rated food poverty threshold… have been sluggish for several years despite considerable inflation. This indicates that poor families have been lowering their living standards, i.e., tightening their belts," ayon sa SWS. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV