ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Commercial model na tulak daw ng liquid ecstasy, arestado


Arestado ang isang lalaking commercial model sa ikinasang drug raid ng NBI Special Action Unit sa isang exclusive subdivision sa Quezon City.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA 24 Oras nitong Martes, sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng suspek na si Zuher Bautista sa bisa ng search warrant.

Nakuha sa kwarto ng suspek ang mga tableta umano ng ecstasy na nasa lagayan ng kendi.

Ilang bote rin na pinaniniwalaang pinaglagyan ang liquid ecstasy ang nasabat.

Mayroon pang nakuhang drug paraphernalia at hinihinalang shabu.

Bago ang naturang raid, dalawang linggo umanong isinailalim sa surveillance operation ang suspek dahil sa impormasyong natanggap ng NBI na may iligal na gawain ang modelo.

Modus raw ng modelo na magpa-party kung saan-saan at doon niya ipinagbibili ang liquid drugs.

Itinanggi naman ng suspek ang mga alegasyon.

Bukod kay Bautista, dinakip din ng mga awtoridad ang ilan pang kasama niya sa bahay.

Sa cellphone ng isa sa kanila, nakuha ang ilang kahina-hinalang video kung saan may babaeng nanginginig at tila "high na high."

May video rin ng tila bangag nang mga lalaki at babae sa isang pool party.

Naniniwala ang NBI na nakagamit ng droga mula sa grupo ni Bautista ang mga ito.

Uso raw sa mga party ang mga ganitong iligal na droga na kadalasang nagiging dahilan ng "date rape."

"Pwedeng ikamatay 'pag nasobrahan talaga at ang worst pa rito 'pag nasobrahan at nawalan ng malay, he or she can be a subject of rap. This is what we call date rape drugs," paalala ni Atty. Emeterio Dongallo, hepe ng NBI Special Action Unit. —Dona Magsino/NB, GMA News