ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Nakakahilo' na spiral staircase ng footbridge sa Ortigas-Edsa, binatikos


Binatikos ng mga netizen ang umano'y nakakahilong spiral staircase na makikita sa isang bahagi ng Edsa-Ortigas footbridge sa Quezon City.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa "24 Oras" nitong Biyernes, ilang pedestrian din ang nagsabing nahihirapan silang gamitin ito.

"Nakakaliyo, it's not strategic." 'Di pwedeng magsalubungan." "Pa-spiral kasi, kaya mahirap."

Nang tanungin si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia bakit spiral ang hagdan, ang sabi nito: "With the limited space sa lugar na 'yan, 'yan na siguro ang na-design ng engineer na mas effective para maiwasan ang aksidente."

Ayon sa MMDA, inilagay daw ang staircase noong 2008 para sa kapakanan ng mga pasaherong bumababa mula sa mga provincial bus, ngunit ginagamit na rin daw ito ng mga pasaherong sumasakay papunta ng probinsya.

"'Pag sinabi mong unloading ng mga provincial bus, ibig sabihin 'di puwedeng mag-load. So 'pag nag-unload ka, bababa 'yan, aakyat walang reason ang taong bumaba kasi 'di sila puwede mag-load," sabi ni Garcia.

Aalisin na rin ng MMDA ang hagdan kung sakaling matuloy ang kanilang plano na alisin ang mga provincial bus terminal sa EDSA.

Noong nakaraang linggo, umani rin ng batikos ang sobrang taas na footbridge ng MMDA sa EDSA-Kamuning.  Aminado naman ang MMDA na ang footbridge na ito ay hindi para sa lahat. — Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News