ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 kasama ng pinatay na 20-anyos na babae sa Bulacan hawak na ng pulis


Hawak na ng Meycauayan, Bulacan Police ang tatlo sa mga sinasabing kainuman ng 20-anyos si Andrea de Guzman noong gabing mapatay ang biktima.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing natagpuang may tama ng saksak sa dibdib ang biktima na inabandona at pinagkasya ang labi sa isang plastic crate, na nakita sa isang liblib na lugar sa Barangay Banga noong Huwebes ng madaling-araw.

Hindi na muna papangalanan ang tatlong "suspek" na lalaki dahil 15-anyos  lamang ang dalawa sa kanila.

Nakiusap naman umano ang isa na huwag na muna siyang pangalanan.

"Nag-follow up kami sa kaso sa tulong ng tiyahin. Nakipag-inuman daw itong babae. Pinuntahan namin ang mga kaninuman niya... tapos hinanap pa namin mga kasamahan niya sa bayan Bocaue," pahayag ni Superintendent Santos  Mera Jr. ng Meycauayan PNP.

Ayon sa tatlo, selos ang dahilan sa pagpaslang. At ang itinuturong salarin ay is "Jay" raw ang pangalan, dagdag ni Mera.

Pahayag ng isang suspek, kasarapan daw ng kanilang inuman nang aminin ni Andrea kay Jay na naging nobya niya ang ex-girlfriend ni Jay.

"Nagulat po si Jay tapos bigla na lang po niyang sinaksak sinabi po ni Jay bakit mo jinowa yung jowa ko e akin yon tapos bigla na lang pong sinaksak," pahayag ng is sa mga kasama sa inuman.

"Nang napatay na si Andrea, inutusan daw sila ni Jay na kumuha ng sako. Yung pinakuha ng sako ay nilagay po yung katawan ng tomboy sa sako tapos pinatali. Kumuha po ng box dun po nilagay yung sako na may lamang tao," dagdag niya.

Sa sasakyan umano ni Jay inilagay ang box na nilagyan kay Andrea. Tapos sumibat na si Jay dala ang kaniyang sasakyan.

Dito na raw nagpasyang magsumbong sa pulis ang isa sa mga itinuring na suspek dahil nakokonsensya umano siya dahil barkada rin niya ang tomboy (si Andrea).

Pinaghahanap pa ng Meycauayan police si Jay. —LBG, GMA News