ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Davao hindi kasama sa programa laban sa kahirapan


Aminado si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na hindi kabilang ang Davao City sa mga lugar na sakop ng hunger mitigation program ng kanyang pamahalaan. Taga-Davao ang 11-taon gulang na batang si Marianette Amper na nagpakamatay dahil sa nararanasang gutom at kahirapan ng kanyang pamilya. “Kasi pina-prioritize natin iyung Metro Manila at saka 10 poorest provinces, which Davao is not included," pahayag ni Gng. Arroyo sa isang panayam sa Loyola Heights, Quezon City nitong Biyernes. Sa ilalim ng Accelerated Hunger Mitigating Program ng administrasyon, ang mga napiling probinsya na may mataas na antas ng kahirapan at pagkagutom ay makatatanggap ng mga proyekto ng gobyerno gaya ng Food for School program. Sa programang ito ang bawat bata sa pre-school, daycare at grade one ay bibigyan ng isang kilo ng bigas araw-araw. Bukod dito, inilunsad din ng gobyerno ang “Tindahan Natin," kung saan mabibili ang mga murang pagkain at ang “Botika ng Barangay" na nagbebenta ng mga kadalasang binibiling gamot sa mas murang halaga. Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, kailangan pang pagbutihin ng pamahalaan ang mga programa kontra kahirapan at pagkagutom upang hindi na maulit ang pagpapakamatay katulad ng nangyari sa Davao City. “It’s a very unfortunate incident. But this government is focused on anti-poverty and anti-hunger programs and we’ll just have to work a little bit more so that incidents like these won't be repeated," sinabi ni Bunye. Imbes na magturuan kung sino ang may sala, mas mainam daw na magtulungan na lamang ang lahat upang suportahan ang mga proyekto ng gobyerno sa paglutas ng kahirapan at gutom sa bansa. Dapat din daw ay papurihan ang administrasyon sa pangunguna sa pagsasagawa ng hakbang laban sa kahirapan. Dinepensahan din ni Health Secretary Francisco Duque III ang gobyerno. Para sa kanya, hindi dapat akusahang manhid ang pamahalaan nang ituring nitong isolated case lamang ang nangyari sa Davao City lalo pa’t hindi kasama ang Davao City sa programa nito kontra kahirapan. Tila kabalintunaan ang nangyari sa Davao, ayon kay Duque, dahil “consistent Regional Outstanding Winner in Nutrition (CROWN)" naman ang lugar sa paglutas ng suliranin sa gutom. Nitong Huwebes iginawad mismo ng Pangulo ang CROWN sa isang pagtitipon sa Manila Hotel kung saan kasama ang Davao sa mga pinarangalang lugar. Sa isang panayam sa Malacañang, sinabi ni Duque na dapat tingnan ng mga awtoridad ang iba pang posibleng sanhi ng insidente sapagkat hindi pangkaraniwan sa isang bata na basta-bastang kitilin ang sariling buhay dahil sa pagkagutom. Ibinalita niyang nakikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development sa pamilya ni Amper at nag-alok ng posibleng tulong sa kanila, kabilang na ang hanapbuhay, pera, health insurance at tulong sa pagpapalibing. “I don’t think it’s going to happen unless there are pathological underlying reasons. I hope there will be no repetition of this," tugon ni Duque sa balitang baka sundan ang ginawang pagpapakamatay ni Amper. Ayon naman kay Education Undersecretary Vilma Labrador, hindi na mauulit ang insidente kung gagabayang maigi ng mga magulang ang kanilang mga anak. Dapat din daw ay himukin ng mga magulang ang kanilang mga anak na magsikap at gawin ang lahat sa kabila ng anumang nararanasang suliranin. Pinayuhan pa ni Labrador ang mga guro na maging sensitibo at bisitahin ang mga mag-aaral nilang lumiban sa klase ng mahigit sa tatlong araw. Bilang ikalawang magulang, dapat daw ay handang pakinggan ng mga guro ang suliranin ng estudyante. Binanggit ni Gng. Arroyo na bago mamatay si Amper, hindi ito pumapasok ng ilang araw. Kadalasang dahilan nito ang kawalan ng pamasahe. Dahil dito, ipinamadali ng Pangulo ang pagpapatupad ng distance learning program. Makatutulong diumano ang alternative education program sa pagresolba ng palagiang pagliban ng mga mag-aaral sa paaralan, ayon sa Pangulo. Nahahawig sa mga open universities ang nasabing programa kung saan maaaring tumanggap ng leksyon at eksamen mula sa Internet ang isang estudyante sa sarili nitong tahanan. Iniulat ni Labrador kay Arroyo na inilunsad na ng DepEd Region III (Gitnang Luzon) ang “Baon Para Kay Bunso" na tumutulong sa mha estudyanteng walang baon na pumasok sa eskwelahan. Nag-iimbestiga na rin ang DSWD sa lawak ng kahirapan sa Davao. Samantala, nagbigay ng tulong pinansyal ang mga taga Davao City sa pamilya ni Amper bilang pakikisimpatiya. Bago nagpakamatay si Amper, may ginawa siyang sulat para sa programang “Wish Ko Lang" ng GMA Network. Hindi niya naipadala ang sulat. Hinihiling ng bata ang bagong sapatos, damit, bag at bisikleta upang makatulong sa kanyang pagpasok sa paaralan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV