ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
LOOK

Buhusan Festival, ipinagdiriwang sa Lucban, Quezon


Naging masaya at makulay ang Buhusan Festival sa Lucban, Quezon ngayong araw.

Taon-taong ipinagdiriwang tuwing Linggo ng Pagkabuhay ang Buhusan, kung saan nagbabasaan ng tubig ang mga residente sa paniniwalang nakapaglilinis ito ng mga kasalanan.

May paniniwala rin daw noon na bawal maligo tuwing Biyernes Santo, kung kaya't Linggo ng Pagkabuhay na sila naliligo na hanggang tumagal ay nagbubuhusan na.

Pinangunahan ng mga opisyal ng pamahalaang lokal ang pagdiriwang. Matapos ang Misa sa simbahan ay nagtungo na ang mga tao sa plaza sa harap ng gusali ng munisipyo. Matapos ang maikling programa ay nagsimula na ang buhusan ng tubig. Kanya kanyang labit ng water gun at timba na may tubig ang mga kabataan at matatanda.

Lalo pang naging masaya ang buhusan sa tulong ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lucban dahil gumamit ito ng water canon at malakas na buhos ng tubig. Walang pinaligtas, kahit pa ang news team ng GMA.

Habang nagbabasaan ay nagpakitang gilas naman ang iba’t-ibang grupo sa kanilang street dancing at costume parade. Mayroon ring ilang float na pumarada. Maraming tao rin ang nagiikot sa buong bayan upang magbasaan o magbuhusan.

Ayon sa mga taga Lucban, hindi naman raw nila sinasayang ang tubig sadya raw talagang kinaugalian na nila ang Buhusan. Mahalaga raw sa kanila ang gawaing ito.

Mayaman sa malamig at malinis na tubig ang bayan ng Lucban, Quezon dahil nasa paanan ito ng Bundok Banahaw. — BM, GMA News