ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagpapatupad ng mandatory SSS contribution ng OFW, inangalan


 

Ilang grupo, umalma sa ipatutupad na mandatory SSS contribution ng mga OFW. PHOTO BY GMA News' IAN CRUZ
Ilang grupo, umalma sa ipatutupad na mandatory SSS contribution ng mga OFW. PHOTO BY GMA News' IAN CRUZ

Naging mainit ang talakayan sa isang public forum kaugnay sa pagpapatupad ng bagong batas, ang Social Security Act of 2018, ukol sa mandatory SSS contribution ng mga overseas Filipino workers (OFW).

Alinsunod sa batas, dapat may SSS contribution na ang sea-based at land-based OFW.

Ang nais ng SSS na bago umalis ng banssa ang OFW, may kontribusyon na sila kahit isang buwan lamang.

Kung nakapaghulog daw kasi ng minimum na isang buwang kontribusyon o P960 ang isang nangibang bansang Pinoy, maaari na siyang makatanggap ng kabuuang P58,400 ang kanyang pamilya para sa death, disability, retirement at funeral benefits kung madisgrasya sa ibang bansa ang isang OFW.

Kung naka-maximum contribution naman o P2,400 na isang buwang kontribusyon, nasa P116,000 ang benepisyo.

Ayon sa Migrante International, di naman sila tutol na makapag-ipon din sa SSS ang mga OFW.

Pero, ang mandatory contribution, tiyak daw na makaka apekto sa buwanang budget ng pamilya ng OFW.

Magagamit na raw ito sa iba't ibang gastusin ng pamilya ng OFW.

“Yung salary bracket po ng isang OFW ang minimum ay 400 US dollars base sa kontrata at sa batas kung susundin natin ang MSC ng SSS base din sa bagong batas, papatak yan sa 20 thousand peso salary bracket at ang katumbas nyan ay 2,400. Sa amin pong pamilya ng mga OFW dito, yung 2,400 kada buwan ay malaking bawas po,” ani Armando Hernando, ang vice chairman ng Migrante.

Ang mga land-based OFWs, magiging self-employed muna ang kategorya.

Sila mismo ang magbabayad ng kontribusyon habang inaayos pa ang bilateral social agreements ng Pilipinas sa iba't-ibang bansa.

Mayroon nang 13 kasunduan ang Pilipinas sa iba't-ibang bansa.

Tatlo pang kasunduan sa ibang bansa ang patuloy na nakabinbin.

Pero sa Gitnang Silangan o Middle East, kung saan naroon ang bulto ng mga OFW, wala pa ni-isang bilateral social agreement na napirmahan.

Ito raw ang pagtutuunan ng SSS sa tulong ng DFA, POEA at DOLE.

“Ima-map namin at ipa-prioritize na natin ang may concentration ng ofw,” ani Aurora Ignacio, President at CEO ng SSS.

Angmga sea-based OFWs, may mandatory contribution din.

Ayon sa batas, ang manning agency nila ang magiging employer nila, bilang agent ng kanilang foreign principals.

Itong bagay na ito ang tinututulan ng mga nagde-deploy ng mga seaman.

“There’s an unequal treatment as far as the land based and sea based sector sa pagtrato ng ano ba ang role recruitment agency and ano ba ang role ng sea based manning agent,”  ani Ericson Marquez, vice chairman ng Joint Manning Group.

Ang Blas F. Ople Policy Center, hindi rin kumporme sa set up na mandatory contribution.

“Hindi dapat na naging employer ang manning agency para lang alam natin kung sino ang magbabayad di rin tama na ang isang OFW naging self employed na alam naman ng buong mundo may employer yan,” diin ni Susan “Toots” Ople, head ng Blas F. Ople policy Center.

Mabigat din ang pagtingin ng ibang dumalong OFW sa naturang forum.

Lalo na di pa raw nakakaalis, baon na sa utang ang isang OFW.

“Bago umalis ang isang OFW, marami na siyang bayarin and at the same time pagdating mo sa bansang pupuntahan mo hindi siya sigurado kung may trabaho,” paliwanag ni Nanay Guy Benitez na umuwing OFW mula Hong Kong.

“Hindi po ako kumporme na mandatory ang kailangan diyan ay voluntary,” giit naman ni Mang Mario Ben na higit 30 taong nagtrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sabi ng SSS, gagawa sila ng mekanismo upang magawan ng paraan at maiwasan na magipit ang isang OFW sa pagbayad ng unang SSS contribution bago umalis ng bansa.

May susunod pa raw na pag pupulong ukol sa binabalangkas na Implementing Rules and Regulations o IRR ng Social Security Act of 2018. — BAP, GMA News