ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Katiwalian sa proyektong popondohan ng WB sisiyasatin - Malacañang


Nangako ang Malacanang nitong Lunes na masusing iimbestigahan ng pamahalaan ang mga sinasabi ng World Bank na anomalya na naging dahilan ng pagsuspinde sa mga pautang nito sa Pilipinas. Sinuspinde ng governing board ng WB ang $232-milyong pautang sa Pilipinas para sa mga pagawaing lansangan matapos madiskubre ang anomalya sa proseso ng pagsusubasta sa mga proyekto. Sa pahayag na ipinalabas nitong Lunes, sinabi ng WB na ipagpapaliban ang pagtalakay sa road-building project ng Pilipinas hangga't hindi nalulutas ng pamahalaan ang alegasyon ng umano'y katiwalian sa pagsubasta sa unang bahagi ng National Roads Improvement and Management Program. Ayon kay Cabinet Secretary Ricardo Saludo, susuportahan ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang mga hakbang ng WB upang tanggalin ang katiwalian at tiyakin na bukas at malinis ang pagpapatupad sa mga proyekto ng gobyerno ng Pilipinas. “We have had many years of cooperation with the World Bank especially in procurement reform. We expect that anti-graft agencies will look into and act on any solid evidence of corruption," pahayag ni Saludo Sinabi naman ni Cerge Remonde, director general ng Presidential Management Staff, na nagbuo si Arroyo ng “pro-performance group" upang tiyakin na may “transparency" sa pagpapatupad ng at maayos ang paggawa ng mga kalsada at iba pang proyektong imprastrakstura sa bansa. Binuo ang grupo, na pinamumunuan mismo ni Remonde, nitong Setyembre sa kasagsagan ng kontrobersya sa $329.48-milyong kontrata ng Zhong Xing Telecommunications Equipment (ZTE) Corp. ng China para sa national broadband network (NBN) project. Ayon kay Remonde, nagmula sa iba’t-ibang sektor katulad ng negosyo, media, relihiyon, kabataan, at akademya ang bumubuo sa grupo. Nagsimula na rin ang mga ito sa pagmamatyag ng pagpapatupad ng mga proyektong pinondohan ng mga dayuhan sa bansa. Sinabi ni Remonde na kinonsulta na niya si Finance Secretary Margarito Teves at Public Works Secretary Hermogenes Ebdane Jr tungkol sa usapin sa proyektong popondohan ng WB. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV

Tags: wbproject