ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

40 Pinay sa sex den sa Malaysia dapat mailigtas


Hiniling ni Vice President Manuel “Noli" de Castro nitong Martes sa Department of Foreign Affairs na sagipin ang tinatayang 40 Filipina na pinaniniwalaang nagtatrabaho sa isang sex den sa Labuan, Malaysia. Sa isang pahayag, sinabi ni De Castro, presidential adviser on overseas Filipino workers, na nakipag-ugnayan na siya sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs ng DFA upang maisagawa ang rescue operation sa mga Pinay na hinihinalang pwersahang pinagtatrabaho bilang sex slave sa Labuan. Una rito, nakipagkita kay De Castro nitong Martes sa kanyang opisina sa Maynila ang tatlong Pinay na unang nailigtas sa Labuan noong Nob. 9. Nakabalik sila sa Pilipinas nitong Nov. 15. Ayon sa tatlo, ni-recruit sila sa Pilipinas upang magtrabaho bilang waitress sa Malaysia ngunit sa isang karaoke bar na pinaniniwalaang sex den sila dinala. Sinabi ng tatlo na Filipina rin ang nag- recruit sa kanila sa Pilipinas at hinihinalang may koneksyon ito sa isang Malaysian immigration officer. Nakarating sila sa Malaysia sa pamamagitan ng pagdaan sa tinatawag na “backdoor" sa Mindanao. Sumakay sila ng bangka sa Zamboanga patungo sa Kota Kinabalu, hanggang makarating sa Labuan. Tatlong oras ang layo ng Labuan sa Kuala Lumpur na kapitolyo ng Malaysia kung saan nakatayo ang embahada ng Pilipinas. Hindi umano pinapayagan ang mga babaeng nagtatrabaho sa karaoke bar na lumabas sa gusaling pinagdalhan sa kanila. Tinatayang 40 pang Filipina ang nakita nila sa gusali at patuloy umano ang pag-recruit ng babaeng kumuha sa kanila. Nanawagan ang tatlo sa pamahalaan na kumilos upang hindi na madagdagan ang katulad nilang biktima. “Mabuti na lang at naging mabilis ang pagkilos ng mga ahensya ng gobyerno kasama ang CFO (Commission of Filipino Overseas) at DFA katuwang ang aking tanggapan, pati ang Filipino community sa Malaysia upang hindi na lalo pang mapariwara ang ating mga kababayang nasadlak sa imoral na gawain," pahayag ni De Castro. Napag-alaman na nakarating sa pamilya ng mga biktima sa Pilipinas ang kalagayan ng tatlo sa Labuan. Kaagad namang lumapit ang mga kapamilya nila sa tanggapan ni De Castro upang ipaalam ang nangyayari sa mga biktima. “Nakakahiya talagang may kapwa Filipino tayo na nagtutulak sa ating kaawa-awang mga kababayan na naghahanap lamang ng disenteng pagkakakitaan. Kaya inuulit ko ang aking panawagang makipag-ugnayan sa POEA at sumunod tayo sa tamang proseso ng paghahanap ng trabaho sa ibang bansa," pagdiin ni De Castro. - Fidel Jimenez, GMANews.TV