Sangkaterbang langaw, namerwisyo sa isang subdivision sa Nueva Ecija
Inireklamo ng ilang residente ng isang subdivision sa General Tinio, Nueva Ecija ang pamemerwisyo ng sangkaterbang langaw sa kanilang lugar.
Ayon si ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, ang kalapit na manukan ang itinuturong sanhi ng pagdami ng mga langaw roon.
Mas lumalala raw ang sitwasyon tuwing hinahango na ang mga ibebentang manok mula sa naturang poultry farm.
Dahil hirap nang makatulog at makakain ang mga residente, idinulog na nila ang reklamo sa lokal na pamahalaan.
Nagpatawag naman agad ng pulong ang pamunuan ng barangay kasama ang mga apektadong residente, may-ari ng manukan, at mga kinatawan ng municipal health office.
Nangako ang may-ari ng poultry farm na lulutasin ang problema sa langaw sa pamamagitan ng paglilinis at pagsasagawa ng fogging sa paligid ng mga kulungan ng mga manok. — Dona Magsino/BM, GMA News