Generic name ng gamot ipinasusulat sa reseta
Ipinasusulat na ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa lahat ng mga doktor ng gobyerno ang generic names ng mga gamot sa kanilang reseta. Ibinigay ng Pangulo ang utos sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes upang magkaroon ng pagkakataon ang mga pasyente na makapamili at makabili ng mas murang gamot. Nauna nang ipinaaayos ni Arroyo sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang pagpasok ng mas murang gamot mula sa India upang maibenta sa mga botika sa Pilipinas. Ibinaba ni Pangulong Arroyo ang utos sa isang âinformal interaction" sa mga opisyal ng Barangay 310 at 315 sa ikatlong distrito ng Maynila. Pinag-usapan sa pulong ang ibaât-ibang isyu kabilang na ang mas murang gamot. Ayon sa Pangulo, mas magiging madali sa mga ordinaryong mamamayan na bumili sa mga botika at sa kanyang inilunsad na âBotika ng Barangayâ kung ang generic names ng gamot ang nakalagay sa reseta. Sa ilalim ng Republic Act 6675, o ang Generics Act of 1988, lahat ng ahensyang pangkalusugan ng gobyerno at mga tauhan nito ay kailangang gumamit ng âgeneric terminology" o âgeneric names" sa lahat ng transaksyon na may kaugnayan sa pagbili, pagreseta, pamamahagi at pag-inom ng mga gamot. Agarang pinaaaprubahan din ni Arroyo sa BFAD ang mga gamot mula sa India na pumasa sa pagsusuri ng US Food and Drug Administration (US FDA). Dahil dito, matatanggap na ng Philippine International Trading Corporation (PITC) at iba pang pharmaceutical companies ang mga mas murang gamot mula sa ibang bansa. Hinihikayat ng Pangulo ang mga pribadong kumpanya na mag-angkat ng murang gamot mula sa India upang paigtingin ang kompetisyon at mas mababang presyo ng mga lokal na medisina. Sinabi ng PITC na mayroong kasalukuyang 1,570 Botika ng Barangay sa buong bansaâmga botikang nagbebenta ng mas mura o generic na gamot. Umaaasa silang aabot na sa 2,000 ang magiging âBotikaâ sa katapusan ng taon at 23,000 sa taong 2010. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV