ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Luzon niyanig ng 5.4 magnitude na lindol


Niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang gitna at hilagang Luzon, kabilang na ang Maynila, nitong tanghali ng Martes. Wala namang iniulat na nasaktan o napinsala dahil sa lindol. Ayon sa ulat ng Associated Press, yumugyog ng ilang segundo ang ilang naglalakihang gusali sa Maynila. Ilang natarantang residente rin ang pumunta sa mga lansangan, kabilang na ang ilang empleyado ng Malacañang at establisiyamento sa Makati City. Kinumpirma din ng isang opisyal ng Palasyo na ilang miyembro ng Gabinete na nagpupulong nang maganap ang pagyanig ang inilipat sa Malacañang guest house. Daan-daang estudyante rin na nasa loob ng limang-palapag na gusali ng University of Baguio ang tumuloy sa mga lansangan sa pangambang gumuho ito. Sa pinakahuling update ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), sinabi nitong naganap ang pagyanig bandang 12:26 ng tanghali at pumalo ng 5.4 sa Richter scale. Ayon sa panayam ng GMANews.TV kay Jenjen de Ocampo, Phivolcs Science Research Specialist II, ang sentro ng lindol ay nasa 77 kilometro hilagang-kanluran ng Lingayen, Pangasinan. Itinuturong posibleng sanhi ng lindol ang Manila trench. Samantala, iniulat ng AP na naitala ng US Geological Survey (USGS) sa magnitude 6.0 ang lindol mula sa nauna nitong taya na 5.8. Nakita rin ng USGS ang epicenter ng lindol may 195 kilometro (120 milya) hilaga-hilagang kanluran ng Maynila at may lalim ang lindol na 62.5 km (38.8 mi). Sa pinakahuling bulletin ng Phivolcs, naramdaman ang intensity 6 sa Lingayen, Pangasinan; intensity 5 sa Bagac, Bataan; at intensity 4 sa Caloocan City at Maynila. Samantala, naramdaman ang intensity 3 sa Pasay, Pasig; Bulacan; Tarlac; Ilocos Sur; Ilocos Norte; Makati City; Las Piñas; at San Fernando, Pampanga. Habang naramdaman ang intensity 2 sa Quezon City, Taguig at Nueva Ecija. Sa panayam ng QTV Balitanghali, ibinalita ni Renato Solidum, pinuno ng Phivolcs, na naramdaman ang intensity 4 sa La Union. Inihayag ni Solidum na hindi sila umaasang may magiging pinsala sa mga ari-arian dahil sa lakas ng lindol. Hindi rin sila umaasang magkakaroon ng aftershocks. Ayon sa ulat ng dzBB radio, pinauwi na ni Baguio Mayor Reinaldo Bautista Jr ang mga mag-aaral matapos makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng Department of Education at City Disaster Coordinating Council. "For the rest of the afternoon, we intend to suspend classes to avoid any issues already with regards to the safety of our students here in Baguio City," sinabi ni Bautista. Nilinaw naman ni Bautista na ang pagsuspinde ng klase ay para lamang sa mga pampublikong paaralan. Nasa panuntunan na ng mga pribadong eskwelahan kung ikakansela ang kanilang mga klase. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV