ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paghahanap sa nawawalang eroplano at 2 piloto sa Palawan patuloy pa rin


Ipinagpatuloy ng Philippine Air Force (PAF) nitong Miyerkules ang paghahanap sa S-211 jet at dalawa nitong piloto na iniulat na nawala sa Palawan noong Lunes. Ayon sa ulat ng QTV Balitanghali, umalis sa paliparan ng Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa City, Palawan ang Islander ng Philippine Navy bandang 11:15 ng umaga upang ipagpatuloy ang paghahanap sa eroplano habang maaliwalas ang panahon. Napigilan ang paghahanap sa nawawalang eroplano nitong Martes dahil sa banta ng bagyong “Lando" (international name: Hagibis) na bumalik sa bansa at nanalasa sa Palawan at Mindoro. Lulan ng eroplano sina Capt. Gabino Mercado Jr. at Capt. Bonifacio Soriano III. Tanging ang P-3 Orion aircraft lamang ng United States military na tumulong sa paghahanap ng pamahalaan ang tumuloy sa ‘search and rescue operation.’ Binisita ni PAF commander Lieutenant General Horacio Tolentino ang airbase sa Palawan nitong Miyerkules upang tiyakin sa mga tropa doon na ginagawa nila ang lahat upang hanapin ang nawawalang eroplano at mga piloto nito. Samantala, kumpiyansa ang Islander ng Philippine Navy na mahahanap pa nila ang nawawalang eroplano at sina Mercado at Soriano. Nitong Lunes, sinabi ni Lt. Col. Epifanio Panzo Jr, tagapagsalita ng Air Force, ang nawawalang eroplano ay isa sa dalawang S-211 trainer jets na umalis mula sa paliparan ng Air Force headquarters sa Puerto Princesa City nitong 8:45 ng umaga. "We were expecting them to be back at a maximum of four hours after their flight. That's about 12:45 p.m.," paliwanag ni Panzo. Ayon pa kay Panzo, patungong Kalayaan Group of Islands ang eroplano upang magsagawa ng search and rescue operations sa may 30 mangingisda at crew na naiulat na nawawala noong nakaraang linggo matapos tumaob ang sinasakyang barkong pangisda. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV