ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dalagitang nakagawian nang magnakaw, may dinaramdam na kondisyon


Nagsimula lamang sa pagkuha ng kagamitan ng mga kaklase, nakagawian na ng 16-anyos na dalagitang si "Ara" na nakawin ang mga ari-arian ng kaniyang mga kapitbahay sa Camarines Norte.

At nang siya'y ipasuri, natuklasang mayroon siyang kondisyon.

Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ni Nanay "Paulyn" na sadyang malikot ang kamay ni Ara, kaya nangangamba siya sa tuwing hindi ito mapakali at ikot nang ikot.

"Hindi ko po maintindihan kasi naguguluhan din po ako sa sarili ko. 'Pag may isang bagay po akong nakikita, 'yun po ang naiisip kong kunin. 'Pag naiinggit po ako, hindi po naaalis sa isip ko, papasok na lang na gusto ko pong kunin," pag-amin ni Ara.

Dahil sa pamemerwisyo ni Ara sa kanilang barangay, nagdesisyon na si Nanay Paulyn na ipakulong na lang ang anak, ngunit hindi siya pinayagan dahil isa itong menor de edad.

Sumailalim si Ara sa therapy at pansamantalang natigil ang kaniyang pagnanakaw. Ngunit matapos ang isang taon, muli siyang bumalik sa dati niyang gawain at naging mas malala pa, dahil pati pagkain, damit at mamahaling relo ay ninanakaw na rin niya.

Sa gigil pa ni Nanay Paulyn ay ginupit niya ang buhok ng anak, at ikinadena na ito sa kanilang bahay.

Pero nakatakas pa rin si Ara at muling nagnakaw. Sa susunod na pagkakataon, nahuli na siya na may dalang itak.

Nabahala si Nanay Paulyn na nakakarinig na siya ng banta na baka mabaril na lang si Ara.

Nang ipasuri ng KMJS si Ara sa psychiatrist, napag-alamang siya ay may bipolar disorder with psychotic features, na mayroon ding sintomas na "destructive," kabilang ang pagiging arogante.

Panoorin ang naging pagtutok ng Kapuso Mo, Jessica Soho kay Ara, at ang paghingi nila ng tawad ng kaniyang ina sa isa't isa.

— Jamil Santos/BAP, GMA News