Militanteng estudyante nagprotesta sa Camp Crame
Sumugod ang may 20 militante sa tapat ng Philippine National Police (PNP) headquarters sa Quezon City nitong Lunes upang manawagan sa pagpapalaya ng kanilang mga pinunong naging bahagi ng naganap na pagsakop sa Peninsula Manila hotel sa Makati City noong Huwebes. Pinangunahan ng tagapagsalita ng Sanlakas na si Rasti Delizo ang demonstrasyon bandang 10:30 ng umaga sa harap ng Camp Crame main gate sa kahabaan ng EDSA. "This is a continuing protest and we wish to send the message that these political detainees in Camp Crame have the democratic right to rebel against this corrupt government," paliwanag ni Delizo. "We call for the release immediately of Sanlakas leaders, Attorneys JV Bautista and Argee Guevarra, and Fr. Robert Reyes, an ally of Sanlakas," idinagdag nito. Sina Bautista, Guevarra at Reyes ay kabilang sa 51 personalidad na sinampahan ng kasong rebelyon ng Department of Justice (DOJ) dahil sa ginampanan nilang papel sa naganap na pag-aaklas sa Makati City. Ang tatlong lider ay kasama sa 46 na nananatiling nakapiit sa PNP Custodial Center habang wala pang desisyon ang DOJ kung kakasuhan ang mga ito sa korte. "We want all those in detention at the PNP Custodial Center released and the people of the Arroyo government jailed for all their irregularities," panawagan ni Delizo. Hinamon ni Delizo nitong umaga ang mga PNP personnel na nagbabantay sa gate ng Camp Crame na arestuhin na lamang sila sapagkat wala naman daw pagkakaiba ang ginawa ng 51 sinampahan ng kasong rebelyon sa kanilang ginagawang pagkilos. Subalit, hindi sila pinansin ng mga gwardiyang pulis at hinintay na lamang na boluntaryo silang umalis banaang 11:10 ng umaga. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV