Talakayan sa budget tatapusin na ng Senado
Umaasa ang Senado nitong Martes na matatapos bago ang pagtalakay sa P1.227-trilyong pambansang pondo para sa 2008 bago matapos ang linggong ito bagamaât marami pang detalye at gastusin na kailangang busisiing mabuti. Sinabi ni Senate President Manuel Villar Jr. sa isang panayam sa radyo na maaaring matapos ang talakayan sa panukalang budget sa susunod na dalawang araw. Inaasahan namang magtatagal ng dalawang linggo ang pag-uusap sa bicameral committee upang pagtugmain ang panukala ng Senado at ng House of Representatives. "Mga dalawang araw na lang siguro ay tapos na ang budget and then may dalawang linggo tayong inilaan para sa bicam. Bago matapos ang taong ito, pasado na ang 2008 (budget)," pahayag ni Villar sa dzRH radio. Binanggit ni Villar na minamadali na ang pagdinig sa budget kung saan limang araw bawat linggo ang ginagawang talakayan. Dalawang buwan na ring pinaghahandaan ang budget bago pa man ito ipasa ng Mababang Kapulungan, ayon kay Villar. "Naipaliwanag na rin ng mga government agencies ang kanilang budget allocations. Ang budget ay magsilbi sanang halimbawa sa kooperasyon ng ehekutibo at lehislatura. Hindi naman sa lahat ng panahon ay parati na lang nagbabangayan at nag-aaway. Dapat mayroon ding areas na unawaan. Sana itong budget na iyon para tuluyan na itong mapagtibay bago matapos ang 2007," sinabi ng senador. Ayon kay Villar, nananatiling ang edukasyon ang makakukuha ng pinakamalaking bahagi ng budget na aabot sa P150-bilyon na sinundan ng public works and infrastructure. Samantala mahigit lamang sa isang porsyento ng kabuuang budget ang mapupunta sa kalusugan. "Napakaliit talaga ang budget para dito. Kahit man lang ginawang 2% iyong budget ng kalusugan, malayo na sana ang mararating nitong tulong para sa ating mga kababayan," pahayag niya. Sisiyasatin pa ng mga senador ang ilang kaduda-dudang gastusin kabilang na ang mga bagong eroplano at helicopter ng ilang ahensiya ng gobyerno. Kabilang na rin dito ang dalawang presidential helicopters. "Mayroon pa nga yatang ibang ahensiya ng gobyerno na nagbabalak bumili ng mga bagong eroplano kaya nire-review namin ito. Ang mali kasi dito, bakit naka-specify na 'yung brand. Pwede mo namang sabihin na bibili ng dalawang chopper. Pero bakit may brand na agad? Iba kasi pag may brand na baka kasi may usapan na. Alisin na lang iyong brand, then i-justify para kung sakaling approved ay maayos at transparent," ayon kay Villar. Binanggit ni Sen. Panfilo Lacson ang usapin sa pagbili ng eroplano at helicopters nitong Lunes nang usisain niya si Sen. Juan Ponce Enrile tungkol sa budget ng Office of the President. Ayon kay Lacson, ang bawat isang helicopter ay nagkakahalaga ng P634-milyon. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV