ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Trillanes, iba pa gustong ilipat ng DILG sa Munti


Hihilingin ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa korte na ilipat sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa City sina Sen. Antonio Trillanes IV, Brig. Gen. Danilo Lim at 34 pang ibang kinasuhan ng rebelyon dahil sa pagsakop sa Peninsula Manila hotel noong Huwebes. Iginiit ni DILG Undersecretary Marius Corpus nitong Martes na dahil sa banta sa seguridad, kailangang ilipat ang mga ito mula sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame. "On the part of the PNP, based on security assessment, it was the consensus that the accused should in the meantime be confined or detained at Muntinlupa, or National Bilibid Prisons, which is under the Bureau of Corrections," pahayag ni Corpus sa isang pangmadlang talakayan nitong Martes. Ayon pa sa kanya, maghahain ang kanilang ahensya ng mosyon sa Makati City Regional Trial Court para sa paglilipat kina Trillanes. Samantala, iginiit ni Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco na ang paglilipat sa mga akusado ay hindi nangangahulugan tinatanggal nila ang pagpapalagay na maaaring inosente ang mga ito. Sakaling hindi katigan ng RTC ang hiling ng prosekusyon, sinabi ni Velasco na idudulog nila sa Korte Suprema ang kaso, gamit ang naunang kaso ni dating Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Nur Misuari bilang halimbawa. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV