Website ni Capt. Faeldon bukas na muli
Bukas na muli ang website na nasa pangalan ng nawawalang si Marine Capt. Nicanor Faeldon nitong Sabado. Kahit aktibo na ang www.pilipino.org.ph, wala itong sinasabi sa kalagayan o kinalalagyan ni Faeldon. Ang pinakahuling entry na inilagay ay noon pang Oktubre, isang column ni Trinidad Tecson tungkol sa pagpapatawad ni Pangulong Gloria Arroyo kay dating Pangulong Joseph Estrada. Ang pinakahuling nakalagay na mga panulat ni Faeldon ay noon pang Hulyo. Ang mga ito ay mga komento sa State of the Nation Address ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at sa Philippines-Japan Economic Partnership Agreement. Nawawala pa rin si Faeldon mula nang matapos ang Makati standoff noong ika-29 ng Nobyembre. Binigyan ng state prosecutors ang rebeldeng sundalo ng hanggang ika-18 ng Disyembre upang maghain ng counter-affidavit, kundi sasampahan siya sa korte ng kasong rebelyon. Isang araw matapos mawala si Faeldon, ang website nito ay pansamantalang na-redirect sa isang online forum na pinamagatang Trapo (trapo.ph). Itinatag ni Faeldon ang kanyang website noong 1995, nang matakasan nito ang kanyang mga escorts sa isa ring pagdinig ng kaso kaugnay sa Oakwood mutiny noong Hulyo 2003. Ang Trapo online forum ay nagtatanong sa mga nagbubukas nito kung pabor ba sila sa pag-aaklas ni Sen. Antonio Trillanes IV at Brig. Gen. Danilo Lim sa Peninsula Manila Hotel sa Makati City. Hanggang nitong Sabado, 31 lamang ang bomoto at 13 (41 porsiyento) lamang ang nagsasabing pabor sila sa ginawa ni Trillanes at 18 (58 porsiyento) ang tutol. - GMANews.TV