ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Arroyo ibinalita ang mga nagawa sa ibang bansa


Bumalik na sa bansa si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Martes at ipinagmalaki ang mga magaganda niyang nakuha para sa bansa mula sa ginawa niyang pagbisita sa Europa at Kuwait. Dumating si Pangulong Arroyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang 1 a.m. mula sa Kuwait kung saan nagtagal pa siya ng isang araw upang pagbigyan ang kahilingan ng Emir ng Kuwait. Dumaan si Arroyo sa Kuwait upang personal na humingi ng kapatawarn para kay Marilou Ranario na nakatakdang bitayin doon. “Napakahalaga ang seguridad ng bayan sa pag-unlad ng ating bansa. Ang pagpapatuloy ng pagbuo ng malapit na alyansa sa España, Inglatera at Kuwait ay nagpapalakas ng seguridad sa ating bansa," pahayag ng Pangulo. Ayon pa sa kanya, maraming makukuhang benepisyo ang bansa sa kanyang ginawang pagbisita sa United Kingdom at Spain kung saan nakausap niya ang ilang mamumuhunan at opisyal ng pamahalaan. Inilahad ni Pangulong Arroyo ang ilang napagkasunduan sa kanyang pagpunta sa iba’t-ibang bansang Europeo. Binanggit din niya ang naging pag-uusap nila ni dating UK Prime Minister Tony Blair kung paano matatamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. “Ito ay magandang pagkakataon na inyong lingkod at siya ay nagpalitan ng pananaw ... sa ating proseso ng kapayapaan sa Mindanao," ayon sa kanya. Subalit pinakapinalakpakan ang pahayag ni Arroyo tungkol sa pagpapagaan ng Emir ng Kuwait sa sentensiya ni Ranario. Nagpasalamat din si Arroyo sa pag-unawa ng Emir sa kaso ni Ranario. “Unang pangyayari sa kanilang kasaysayan sa kanilang kaharian ay nangakong hindi itutuloy ang pagpataw ng parusang kamatayan kay Marilou Ranario," sinabi ni Arroyo. “Tiniyak din niya na sa tamang panahon titingnan niya kung maaaring bawasan ang panahon ni Marilou sa bilanggo," idinagdag niya. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV