Habeas corpus para sa 3 akusado sa Batasan blast ipinalabas
Naglabas ang Korte Suprema nitong Biyernes ng writ of habeas corpus sa petisyon ng mga pamilya nina Caidar Aunal, Adham Kusain at Ikram Indama, mga akusado sa pagpasabog sa Batasan Pambansa complex noong Nobyembre 13. Sa dalawang pahinang resolusyon, hiniling ng Supreme Court En Banc sa Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Capital Region-Criminal Investigation and Detection Unit (NCR-CIDU) at PNP Custodial Center na ipatupad ang nasabing writ sa sala ni executive judge Romeo Zamora ng Quezon City Regional Trial Court sa Disyembre 18. Inutusan din ng Korte si Zamora na dinggin ang petisyon sa nasabing petsa sa ganap na 8:30 ng umaga. Ang habeas corpus ay hakbang na legal na nagbibigay sa isang tao ng karapatang mapalaya mula sa ilegal na pagkakakulong. Ito ay nagsisilbing instrumento para maprotektahan ang karapatan ng isang tao laban sa hindi makatarungang kilos ng gobyerno. Kinuwestiyon ng pamilya ng tatlong akusado sa kanilang petisyon ang patuloy na detensiyon ng mga suspek sa Camp Crame. Iginiit nila na ilegal ang pagpakulong sa tatlo, lalo paât ipinagbabawal ang pakikipag-usap sa mga ito. Nakaditene sina Aunal at kusain sa PNP Custodial Center habang nasa kustodiya ng NCR-CIDU naman si Indama. Ayon sa pamilya ng tatlo, dinakip ang kanilang mga mahal sa buhay noong ika-15 ng Nobyembre dahil sa kasong âobstruction of justice" at kinalaunan na lamang pormal na kinasuhan. Kinasuhan ng Department of Justice ang tatlo ng multiple murder and obstruction of justice sa QC RTC dahil sa papel ng tatlo sa pagpasabog sa Batasan na kumitil sa buhay ni Basilan Rep. Wahab Akbar at apat pang iba. - Mark Ubalde, GMANews.TV