ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

National Artist na naging myembro ng combo ng pulis


Naging pinakabatang myembro ng sikat na Manila Symphony Orchestra si Levi Celerio, ang National Artist ng bansa na lumikha ng mahigit 4,000 kanta na karamihan ay maituturing walang kamatayan gaya ng “Sa Ugoy ng Duyan" at “Ang Pasko ay Sumapit." Si Levi ay ipinanganak sa Tundo, Maynila noong Abril 30, 1910. Sinasabing namana ni Levi ang hilig sa musika sa kanyang ina na isang mananahi. Ang violin ang unang instrumento na pinag-aralan ni Levi sa edad na 11 sa tulong ng isang musikero sa Philippine Constabulary (PC) na kilala ngayon bilang Philippine National Police (PNP). Habang nag-aaral sa sekondarya, naging myembro si Levi ng combo sa PC. Pagdating sa kolehiyo, kumuha siya ng violin course sa University of the Philippines Conservatory of Music. Upang mahasa pa ang kanyang husay, inirekomenda si Levi at nabigyan ng scholarship sa Academy of Music sa Maynila na naging daan upang mapabilang siya sa Manila Symphony Orchestra. Ngunit dahil sa isang aksidente na nakapinsala sa kanyang kamay, natigil si Levi sa pagtugtog ng violin. Kasunod nito ay sinubukan niya ang iba pang hilig tulad ng pagsusulat ng tula at pagdrawing. Taong 1930’s nang magsimulang gumawa ng pangalan si Levi nang gawin niya ang theme song sa pelikulang “Dalagang Bukid" na pinagbidahan nina Rogelio de la Rosa and Rosa del Rosario. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, tinatayang aabot sa 4,000 ang naisulat at komposisyon na mga awitin ni Levi. Kabilang dito ang “Kahit Konting Pagtingin," “Dahil sa Isang Bulaklak," Sapagkat Kami’y Tao Lamang," at “Saan Ka Man Naroroon." Wala rin kapantay ang mga nilikha niyang awitin tulad ng “Sa Ugoy ng Duyan," “Dungawin Mo Hirang," "Basta’t Mahal Kita," “ Itik-Itik," "Pitong Gatang," “Waray Waray," “O Maliwanag na Buwan" at iba pa. Nandyan din ang mga kantang pamasko tulad ng "Pasko Na Naman," "Ang Pasko Ay Sumapit," at "Misa de Gallo." Si Levi rin ang kinikilala ng Guinness Book of World Records na nag-iisang tao sa mundo na kayang tumugtog ng musika sa pamamagitan ng dahon. Sa isang pagtatanghal sa ibang bansa sa The Mery Griffin Show, pinahanga ni Levi ang mga dayuhan nang tumugtog siya gamit ang dahon kasama ang 39 na iba pang musikero. Oktubre 1997 nang pirmahan ni dating Fidel Ramos proklamasyon na magdedeklara kay Levi Celerio bilang isang National Artist for Music and Literature. Abril 2002 nang pumanaw si Levi sa Delgado Clinic sa Quezon City sa edad 91. - GMANews.TV

Tags: pinoytrivia