Agwat ng mayaman at mahirap paglalapitin - Malacanang
Ang pagpapahusay sa koleksyon ng buwis ang isa umano sa hakbang na gagawin ng Malacanang upang mapaglapit ang lumalayong agwat ng mayaman at mahirap. Ang pahayag ay ginawa ng Malacanang nitong Linggo bilang reaksyon sa ulat ng National Statistics Office (NSO) sa patuloy na paglayo ng agwat ng mayaman at mahirap, kung saan 10 porsyento ng populasyon ng pamilya sa bansa ang patuloy ang pagyaman. Sa survey ng NSO, lumitaw na 1.74 milyon na pinakamayamang pamilya sa bansa ang naghati-hati sa 36 poryento ng kabuuang kita ng pamilya noong 2006 o katumbas ng P3 trilyon. Sa talaan ng pamahalaan, ang karaniwang kita ng isang pamilya na may apat na myembro ay umaabot sa P500 bawat araw, at iilan lamang ang nakakaipon. Ayon kay Deputy presidential spokesperson Lorelei Fajardo, kailangang pag-ibayuhin pa ang koleksyon ng buwis upang ipangtustos sa mga proyekto ng pamahalaan sa mga mamamayan lalo na sa mahihirap. Idinagdag ni Fajardo na mahalaga rin ang aksyon ng Kongreso tulad ng pagpasa sa mga panukalang batas na kailangan ng mamamayan tulad ng cheaper medicine bill. Pinag-iibayo rin umano ng pamahalaan ang mga programa upang makahikayat ng marami pang namumuhunan upang makalikha ng marami pang trabaho. âThe [Arroyo] administration is committed to bringing more services to the poor and providing better business opportunities for the rich to encourage them to more investments and thus create more jobs," paliwanag ni Fajardo. Nakasaad sa ulat ng UN Development Programme (UNDP) noong Oktubre 2007, na bagaman nabawasan ang antas ng mahihirap sa Silangang Asya, kung saan kasama ang Pilipinas, napuna naman hindi nakikinabang sa magandang kita ang mga mahihirap. - GMANews.TV