Pagpapataas sa kasanayan sa English pag-iibayuhin ng DepEd
Lalong paiigtingin ng Department of Education ang mga hakbang upang pataasin ang English proficiency ng mga mag-aaral sa taong ito, ayon kay Education Secretary Jesli Lapus nitong Lunes. "Despite the improving National Achievement Test (NAT) results in English among our students, we believe that we have to push even further to sustain their improving performance," sinabi ni Lapus sa isang pahayag. Ayon kay Lapus, pagtutuunan ng pansin ng kanyang departamento ang mga paaralang nakapagtala ng mababang antas ng kasanayan sa English batay sa resulta ng 2001 NAT o ang mga nakakuha ng mean percentage score na 34 pababa. Sinusukat ng NAT ang naiintindihan at kasanayan ng mga mag-aaral sa Mathematics, English, Science, Filipino at Hekasi. Sinabi ni Lapus na mahalaga ang kahusayan sa English upang lalong matutunan ang iba pang aralin kagaya ng Science at Math kung saan ang nasabing wika ang ginagamit sa mga libro. Ayon sa kanya, ang pagiging bihasa sa wikang Ingles ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na magkaroon ng 30 porsiyentong pag-unlad sa âbaseline data in English, Science and Mathematics" sa 2010. Iniulat ni Lapus na naglaan si Arroyo ng P500 milyon upang sanayin ang mga guro matapos nitong mapansin na walang gaanong magagaling sa wikang Ingles sa mga paaralan. Kabilang sa mga ipatutupad ng departamento upang pag-ibayuhin ang programa sa Ingles ay ang pagkakaroon ng â1:1 new textbook-pupil ratio in English, Beginning Reading, Remedial Reading, Whole School Approach to Reading and Writing." Balak din nilang magkaroon ng speech laboratories sa mga paaralan simula sa 2008, ayon kay Lapus. Samantala, sinabi niya na ipinagpapatuloy ng DepEd ang pagpapatupad ng Every Child a Reader Program (ECARP) upang tiyaking makababasa ng maayos ang mga mag-aaral mula Grade 1-6. Inihayag din niya na susuriin ng departamento ang 13, 286 mag-aaral sa elementarya at 1,320 guro sa sekondarya upang alamin ang âEnglish proficiency level" ng mga paaralan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV