Pinay namatay sa pagsabog ng bomba sa Kabul
Namatay ang isang Filipino sa Kabul, Afghanistan nitong Lunes dahil sa bombang pinasabog ng mga militante sa pinagtatrabahuhan nitong hotel. Ang OFW ay nagtatrabaho bilang spa supervisor sa five-star na Serena Hotel sa kapitolyo ng Afghanistan. Ayon kay Claro Cristobal, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, ang OFW na hindi muna pinangalanan ay unang isinugod sa Isaf military hospital sa Kabul kung saan ito binawian ng buhay dakong 10 a.m. (1:30 p.m. sa Manila). Kritikal ang naging kalagayan ng biktima nang pasabugin ng isang suicide bomber ang sarili sa Serena Hotel kung saan nagsasagawa ng pulong ang mga opisyal at kawani ng embahada ng Norway. Agad na ipinag-utos ni Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo sa Philippine embassy sa Islamabad na magpadala ng consular team sa Kabul upang mabilisang maiuwi ang mga labi ng nasawing OFW. Ayon sa ulat, tinatayang anim ang namatay sa pag-atake sa Serena Hotel, kabilang ang isang US citizen at 38-anyos na Norwegian newspaper reporter na si Carsten Thomassen. Sinabi ng Associated Press na ang mga militanteng sumalakay sa hotel ay nakasuot ng suicide-bomb vests, may dalang granada at armado ng AK-47 rifles. Inako ng Islamist Taliban ang responsibilidad sa insidente kung saan tinataya ng pulisya na hindi bababa sa apat na tao ang umatake sa hotel. Naganap ang insidente sa gitna ng panawagan ng ilang OFWs na alisin ng pamahalaan ng Pilipinas ang deployment ban sa Afghanistan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV