ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Huwes binitiwan ang kaso ng GMA laban sa ABS-CBN


Nagpasyang bitawan ng huwes sa Quezon City Regional Trial Court nitong Huwebes ang kaso tungkol ng GMA Network laban sa katunggaling ABS-CBN kaugnay ng sigalot sa TV ratings. Hiniling ni Judge Samuel Gaerlan, nakatalaga sa Branch 92 ng QCRTC, na ibigay sa ibang huwes ang paghawak sa kaso dahil kamag-anak niya ang isa sa mga abogado ng ABS-CBN na si Marifel Gaerlan-Cruz. Bago nagsimula ang pagdinig sa kaso noong Martes, ipinaalam ni Judge Gaerlan sa magkabilang panig na pinsan n'ya si Cruz at hininging magkomento ang mga abogado ng ABS-CBN at GMA 7. Hindi tumutol si Atty. Gener Asuncion, punong abogado ng GMA Network, na magpatuloy si Judge Gaerlan na hawakan ang kaso at naniniwala umano siya na magiging patas ang hukom sa paggawad ng desisyon. Taliwas ito sa posisyon ng abogado ng ABS-CBN na si Regis Puno na humiling kay Judge Gaerlan na mag-inhibit para na rin umano sa sarili nitong kapakanan. Sa tatlong pahinang kautusan, sinipi ni Judge Gaerlan ang Rule on Disqualification of Judicial Officers na nagsasaad ng dahilan upang bumitiw sa paghawak ng kaso ang isang huwes. “In the situation at hand, the undersigned is related not to the counsel handling the case but to one of the many lawyers in the legal department of the defendants (ABS-CBN). Yet, even if no legal disqualification applies, it is very possible that to the public eye, a conflict of interest appears. This is so considering the prevailing attention directed on the case by the mere fact that the parties are prominent players in the media industry," paliwanag ni Judge Gaerlan. Matatandaan na nagsampa ang GMA Network ng P15-milyong damage suit at hiningi sa korte na magpalabas ng TRO laban sa ABS-CBN upang pigilan ang huli sa pagpapalabas ng mga balita sa kanilang network tungkol sa umano’y manipulasyon sa ratings data na galing sa AGB-Nielsen Media Research Philippines. Nagpahayag si Atty. Asuncion ng pagkadismaya sa desisyon ni Judge Gaerlan dahil makakaantala umano ito sa pagdinig ng kaso. Dahil dito ay makapagpapatuloy umano ang ABS-CBN sa pagsasahimpapawid ng mga malisyosong pahayag laban sa GMA. “We are asking for a TRO to stop the ABS-CBN from airing defamatory statements against GMA 7. We could have presented our evidence and the evidence of the defendants if not for the inhibition of the judge. I don’t know if they will continue to air said statements although they are aware of the case. But it would appear that they would continue," paliwanag ni Asuncion. Ang mga umano’y baluktot at malisyosong pahayag ng ABS-CBN laban sa GMA ay inilabas sa iba't-ibang programa ng network noong Enero 5, 6, 7 at 12. May inilabas din na umano'y testigo ang ABS-CBN na sinasabing kusang–loob na lumutang upang patotohanan ang manipulasyon ng rating sa Cebu, Davao at Iloilo. Mariing pinabulaanan ng GMA Network ang mga alegasyon at tinawag na black propaganda ang ginagawa laban sa kumpanya. Upang malaman ang katotohanan, sinabi ng GMA Network na nagsampa sila ng kaso sa korte upang mailabas ang mga katibayan sa halip na masalang sa trial by publicity na ginagawa umano ng ABS-CBN.- Fidel Jimenez, GMANews.TV (Ang GMANews.TV ay ang official website ng GMA News and Public Affairs, na bahagi ng GMA Network Inc.)