ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga ekonomista may dudang mapananatili ang paglago ng ekonomiya


Nagpahayag ng pagdududa ang mga ekonomista nitong Huwebes kung mapananatili ng Pilipinas ngayong taon ang paglago ng ekonomiya katulad ng naitala noong 2007 dahil sa inasahang paghina naman ng ekonomiya ng Estados Unidos. Una rito, ipinagmalaki ng pamahalaan ang paglago ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa 7.4 porsyento sa buong taon ng 2007, pinakamabilis sa nakalipas na 31 taon. Ayon kay Emilio Antonio, economics professor mula sa University of the Philippines, posibleng umabot lamang sa 6.5 poryento ang GDP growth rate ng bansa ngayong taon. “I have my doubts given the conditions of the US economy. Perhaps a 6.5-percent growth is still possible given the present momentum," paliwanag ni Antonio. Inihayag naman ni Cayetano Paderanga, ekonomista mula sa University of the Philippines at dating pinuno ng National Economic and Development Authority, na mahihirapan ang pamahalaan na mapanatili ang mataas na growth rate. “This will be difficult to sustain in 2008, given the external environment," deklara niya. Naniniwala naman si Jonathan Ravelas, chief market strategist ng Banco de Oro, na papatak sa 6.5 poryento hanggang 7 porsyento ang growth rate dahil sa inaasahang paghina ng ekonomiya ng US. Sa pag-aaral ng pamahalaan, sa isang porsyentong paghina ng economic output ng US ay katumbas ng 1.764 percentage point drop sa gross national product (GNP) ng Pilipinas. Nakatali sa US ang 20 porsyento ng kabuuang kalakalan ng Pilipinas. Bukod pa rito, nagmumula rin sa US ang 40 poryento ng ipinadadalang remittances ng overseas Filipino workers sa bansa. - Cheryl Arcibal, GMANews.TV