ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Fr Suarez 'di pwedeng magmisa sa Pangasinan - Cruz


Hindi rin pinahintulutan na magsagawa ng healing session sa Pangasinan ang kontrobersyal na si Fr Fernando Suarez matapos unang pagbawalan na magmisa sa Bulacan. “There is already a question of hysteria, not to mention credulity among the faithful. It is too much to say that Fr. Suarez resurrects the dead," pahayag ni Lingayen-Dagupan archbishop Oscar Cruz. Sa pahayag ni Cruz na nakapaskil sa website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines nitong Linggo, sinabi nito na wala siyang pahintulot nang magdaos ng healing session si Suarez sa isang parokya sa Pangasinan noong Disyembre. Sinabi ng Arsobispo na ang ‘panggagamot’ ni Suarez, “is open to abuses, like superstition, hysteria, fanaticism, and money." Kinuwestyon din ni Cruz ang pagbebenta ni Suarez ng mga rosaryo at iba pang religious articles na umano’y may bisa upang makapagpagaling. Maging ang Obispo umano sa Canada kung saan nasasakop si Suarez ay nagpalabas ng direktiba na hindi ito pwedeng magdaos ng mga healing mass bunga ng pagbebenta nito ng mga milagrosong religious articles, ayon kay Cruz. Binanggit din ni Cruz ang mga ulat tungkol sa solicitation letters para sa pagpapagawa ng healing center ni Suarez sa Batangas. “I hope he really cures — and I want that very clear — and cures as many sick people as possible, especially in this country where medicines, seeing a doctor, and hospitalization are very expensive," pahayag ng Arsobispo. Si Cruz ang ikalawang obispo na pumuna kay Suarez dahil sa pagdaraos ng mga healing mass nang walang pahintulot ng mga lider ng simbahan. Unang nagsalita si Malolos, Bulacan Bishop Jose Oliveros tungkol sa "panggagamot" ni Suarez dahil sa plano ng huli na magsagawa ng misa Sta. Rita noong Enero 30 na kinansela. Ayon kay Oliveros, hindi sinusunod ni Suarez ang patakaran ng Vatican sa mga healing activities na nilagdaan ni Pope Benedict XVI, nang ito ay cardinal pa lang. Sinabi ni Oliveros na nakasaad sa paragraph 4 ng Section 2 ng Instruction on Healing Activities of the Doctrine of Faith, kung saan inaatasan ang priest healers na humihingi ng “explicit permission" sa mga Obispo kung saan nito isasagawa ang healing masses. Ipinaliwanag ni Cruz na malayang nakakapagsagawa ng mga healing mass sa Metro Manila at Batangas si Suarez dahil pinayagan ito ng mga Obispo sa nasabing mga lugar. “They believe in him. And that’s okay," aniya. - GMANews.TV