ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Halaga ng Boracay mansion susuriin muli ng COA


Magsasagawa muli ng re-evaluation ang Commission on Audit sa halaga ng Boracay mansion, isa sa mga binawing ari-arian umano ni dating Pangulong Joseph Estrada batay sa mga bagong dokumento na isinumite ng Land Registration Authority noong Pebrero 1. Ayon kay Edgardo Urieta, hepe ng Sheriff and Security Services Office ng Sandiganbayan, nakakuha ang LRA ng bagong orihinal na survey maps ng Boracay mansion sa New Manila, Quezon City. Kasama umano ito ang mapa noong pang 1951 kung saan ang lugar ay bahagi pa ng tinatawag na Magdalena Estate. Makikita umano rito ang kompletong paglalarawan sa sakop at hangganan ng Boracay property. Nakuha umano ang dokumento sa Department of Environment and Natural Resources sa tulong ni LRA administrator Benedicto Ulep. “We will submit these new documents to engineer Jose Damole, chief of COA’s Property Disposal Evaluation and Research Division, so they can begin assessing how much the Boracay Mansion should be sold on public auction. Hopefully, these old survey maps would give them enough basis," pahayag ni Urieta. Una rito, ipinaalam ng COA sa Sandiganbayan na hindi nila madetermina ang tunay na halaga ng ari-arian dahil hindi magkakatugma ang detalye sa titulo ng lupa na nakuha sa Registry of Deeds sa Quezon City. Hiningi ng Sandiganbayan ang tulong ng COA upang matiyak ang pinakamataas na presyo ng Boracay property kaugnay sa gagawing pagsubasta sa ari-arian at maiwasan ang pagdududa na may iregularidad sa gagawing transaksyon. Ang Boracay mansion ay kasama sa mga ari-arian na pinabawi ng Sandiganbayan nang magpalabas ito ng guilty verdict laban kay Estrada noong Setyembre 12. Pinabulaanan naman ni Estrada na siya ang may-ari ng Boracay mansion. - GMANews.TV