Lola, literal na gumagapang para humingi ng pagkain sa kapitbahay
Isang lola sa Dasmariñas, Cavite ang literal na gumagapang para mabuhay sa araw-araw.
Ayon sa ulat ni Bernadette Reyes sa “24 Oras Weekend," Linggo, naninirahan si Lola Editha sa isang marumi at abandonadong bahay sa probinsya.
Dahil hiwalay na sa kanyang asawa at walang mga anak, siya na lamang ang mag-isang humaharap sa bawat araw na dumarating sa kanyang buhay.
Sa bidyo na ibinahagi ni Marialyn Peregrino, makikitang naabutan niya si Lola Editha na gumagapang sa tapat ng kanilang bahay para humingi ng makakain sa kanilang kapitbahay.
“May gabi pa na lumalabas din siyang gumagapang. May mga ilang araw na siguro nagugutom po siya, nagpupumilit po siyang gumapang,” sabi ni Marialyn.
Ayon sa ulat, mahigit isang taon na mula nang ma-stroke si Editha kaya paralisado na ang kalahati ng kanyang katawan. Simula nang magkasakit, sa tulong ng iba na lamang siya umaasa.
Mayroon pang kapatid si Editha na nagngangalang Agustin Jarina ngunit ayon dito, hindi pumayag na tumira sa kanila ang matanda.
“Dito ko pinatira kaso ‘pag umayaw na siya, alis talaga siya,” sabi ni Agustin.
Ang bidyo na ibinahagi ni Marialyn ay pumukaw sa marami kung kaya’t mayroong mga mabubuting puso na nagbigay kay Lola Editha ng wheelchair at higaan.
Sa hirap ng buhay, ito ang masasabi ni Editha: “Ako [ay] lumpo na. [Sana malagay] ako [sa] lugar na may tubig, kubeta, ilaw, saka electric fan lang.” — Hana Bordey/BM, GMA News