Sun.Star: Kawalan ng trabaho nagtutulak sa Pinoy na mangibang bansa
Patuloy na mangingibang bansa ang mga Filipino hanggat hindi nalulutas ng pamahalaan ang problema sa kawalan ng magandang oportunidad ng hanapbuhay sa Pilipinas. Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA)-CAR Director Delfina Camarillo, magpapatuloy ang pag-alis ng mga manggagawang Filipino hanggat walang trabaho at may magandang sweldo na makukuha sa Pilipinas. Sinasabing ang kawalan ng magandang trabaho ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga Filipin, propesyunal man o hindi ay pinipiling iwanan ang kanilang pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa. Karamihan umano sa nangingibang bansa ay nagtrabaho bilang mga household helper, caregivers, o sa mga service-oriented establishments, na siyang kailangan ng mga dayuhan. Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), 35 porsyento ng mga umaalis ng bansa ay nagtatrabaho bilang household service workers. Ito rin umano ang trabaho na maraming bakante. Isinusulong ngayon ng pamahalaan ang programa para paunlarin ang technical and vocational courses na kailangan umano ngayon sa Pilipinas. Hinihikayat naman ng Department of Education (DepEd) ang mga mag-aaral na kumuha ng mga vocational courses kaysa mga kursong propesyunal na limitado ang oportunidad na makakuha ng trabaho. Gumagawa rin ng paraan ang gobyerno upang i-professionalize ang HSW sa pamamagitan ng pagsasailalim sa mga aplikante na kumuha ng skills trainings kasama na ang pag-aaral ng kultura at wika sa bansa na kanilang pupuntahan. Bahagi ito ng household reform package program ng pamahalaan upang protektahan ang mga manggagawang Pinoy na kadalasang nabibiktima ng pang-aabuso ng kanilang mga amo. Sa Cordillera, nakapagtala ang OWWA regional office ng 10,864 OFWs na nagtatrabaho sa ibang bansa. - Sun.Star