Ang rebolusyon ni Tamblot
Tumagal lamang ng halos isang taon ang rebolusyon ng âpananampalataya" na naganap sa lalawigan ng Bohol. Pero nag-iwan naman ito ng marka sa kasaysayan ng bansa na pinangunahan ng isang Babaylan na ang pangalan ay Tamblot. Ang Babaylan ay katutubong pari ng mga Filipino noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Ang mga Babaylan ay may mataas na reputasyon sa komunidad dahil sa angkin nitong kakayahan na mamamagitan sa tao at kalikasan. Sinasabing nakakuha ng malaking hukbo ng tagasunod si Tamblot, tubong Tupas, Antequera, nang talunin nito sa âpaligsahan" sa paggawa ng himala ang isang Kastilang pari na nais magpakalat ng Kristiyanismo sa lalawigan. Sa naturang paligsahan, dalawang buho ng kawayan ang biniyak umano ni Tamblot upang ipakita ang pabuya ng kalikasan. Ang isang buho ay may lamang tubig at ang isa ay siksik naman ng palay. Ginamit umanong patunay ni Tamblot ang âhimala" upang palakasin ang pananampalataya ng mga tao sa kalikasan at hindi sa Kristiyanismo na dala ng mga Kastila. Ang âhimalang" ito ay sinasabing kumalat na parang apoy sa lalawigan na humantong sa rebolusyon upang labanan ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Bohol noong 1621 hanggang 1622. Sinabing dalawang ulit nangyari ang pinakamatinding pagsalakay ng hukbo ng mga Kastila mula pa sa Cebu at Pampanga laban sa tropa ni Tamblot na nagkuta sa bundok. Ang mga sundalong Kastila ay mga baril kontra sa armas ng grupo ni Tamblot na itak, pana, sibat at bato. Hindi malinaw kung ano ang sinapit ni Tamblot nang makubkob ng mga Kastila ang kuta nito sa bundok. May nagsasabing nasawi siya habang tumatakas sa mga Kastila at may kwento rin na pinaslang na siya bago pa man maganap ang pagsalakay ng mga kalaban. - GMANews.TV